Death penalty vs ‘tiwaling’ opisyal ng gobyerno di lulusot sa Kamara

Mar Rodriguez Jan 23, 2025
16 Views

BINIGYANG DIIN ni House Assistant Majority Leader at La Union 1st Dist. Rep. Francisco Paolo P. Ortega V na hindi makakalusot sa Kongreso ang panukalang isinulong ng kapwa nito kongresista na naglalayong patawan ng death penalty sa pamamagitan ng “firing squad” ang mga opisyal ng gobyerno na mahahatulan ng kasong korapsiyon.

Iginiit ni Ortega na dadaan sa “butas ng karayom” ang House Bill No. 11211 na isinulong ni Zamboanga City 1st Dist. Rep. Khymer Adan T. Olaso na nagpapataw ng parusang kamatayan (firing squad) laban sa mga opisyal ng pamahalaan kabilang na ang mga opisyal ng Barangay na napatunayang nagkasala ng Sandiganbayan.

Ipinaliwanag ni Ortega na napaka-imposibleng makalusot sa Kamara de Representantes ang panukalang batas ni Olaso sapagkat mahigit sa tatlong daang kongresista ang boboto kung pabor o hindi sila pabor sa nasabing panukala.

Pagdidiin pa ng House Assistant Majority Leader na hindi lahat ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ay matatawag na “liberal minded” sapagkat may mga kongresista ang konserbatibo at mahigpit na tumututol sa pagpapataw parusang kamatayan.

Sinabi ng kongresista na siya ay personal na tumututol sa death penalty kung saan nilinaw nito na ang korapsiyon sa bansa ay naging kultura na ng mga Pilipino kung kaya’t dapat aniyang magkaroon ng “reversal” upang maging kultura din ang paglaban sa korapsiyon.

Ayon kay Ortega, dapat palakasin ang “values education” na ituturo sa mga kabataan para magkaroon ng kultura laban sa korapsiyon kung saan maaaring isa ito sa mga solusyon upang unti-unting mapuksa ang talamak na korapsiyon sa pamahalaan.