Rep. Marissa "Del Mar" P. Magsino Rep. Magsino

Mga undocumented Pinoy sa US delikado — Magsino

Mar Rodriguez Jan 23, 2025
25 Views

AMINADO si OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino na “delikado” ang sitwasyon ngayon ng mga “undocumented Filipino” sa Estados Unidos pagkatapos ng muling panunungkulan ni US President Donald Trump bilang ika-47 Pangulo ng Amerika.

Sinabi ni Magsino na kilala ang Trump administration kahit nuong unang panunungkulan nito bilang ika-45 Pangulo ng US sa mahigpit na pagpapatupad ng “immigration laws” laban sa mga “undocumented” na naninirahan sa Amerika.

Dahil dito, binigyang diin ng OFW Party List Lady solon na isang malaking hamon para sa mga undocumented Pilipino na kasalukuyang naninirahan sa US ang pag-upo ni Trump bilang bagong Pangulo patungkol sa mahigpit na pagpapatupad nito ng deportation policies.

Ipinahayag ni Magsino na dahil sa napipintong pagpapairal ng mahigpit na deportation policies at border security, nasa delikadong kalagayan ang mga mga Pinoy na walang legal status kung saan inaasahan din aniya ang pagbabago sa H-18 visa at family based-visa.

Ayon pa kay Magsino, sakaling ma-phaseout ang “Deferred Action for Childhood Arrivals”, maraming Pilipinong “dreamers” ang mawawalan ng proteksiyon laban sa deportation kung saan dagdag pa dito ang public change rules na magdudulot naman ng matinding takot sa paggamit ng benepisyong pang-Lipunan.

Ikinababahala din ng kongresista na ang mahigpit na pagpapatupad ng immigration policies ay posibleng magdulot ng panibagong discrimination laban sa mga Asyano o Asian communities sa Amerika kabilang na ang mga Pilipino.

Pagdidiin pa nito na bilang Kinatawan ng OFW Party List ay nababahala din ito sa mga magiging epekto ng patakarang ipatutupad ni Pangulong Trump na inaasahang magpapa-uwi sa milyon-milyong “undocumented migrants” o mga Pilipinong nagta-trabaho at naninirahan sa US.

Sabi pa ni Magsino na ang nasabing mahigpit na polisiya ng bagong administrasyon ay paniguradong magdudulot ng matinding takot para sa mga Pilipinong nagpunta sa Amerika upang maghanap-buhay para suportahan ang kanilang pamilya.

“Ang mas mahigpit na polisiyang planong ipatupad ng bagong administrasyon ng Estados Unidos ay paniguradong magdudulot ng matinding takot para sa mga Pilipinong nagpunta sa US upang maghanap buhay. Nais natin na anomang pagpapatupad ng mga immigration policies ay mayroong pagkilala sa dignidad at karapatan ng bawat indibiduwal at naaayon sa tamang proseso,” wika ni Magsino.

To God be the Glory