Calendar
Speaker Romualdez nagpasalamat kay PBBM
Kasama si CHONA YU
Sa paglaya ng 17 Filipino seafarers na binihag ng Houti rebels
PINASALAMATAN ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ang kanyang administrasyon sa pagsusumikap nito na nagresulta sa ligtas na paglaya ng 17 Pilipinong marino na binihag ng mga Houthi rebels sa Yemen sa loob ng 429 araw.
“It is with immense gratitude that we commend President Marcos and his administration for their tireless dedication to securing the freedom of our brave Filipino seafarers from the M/V Galaxy Leader,” ani Speaker Romualdez, pinuno ng higit sa 300-kinatawan ng Kamara de Representantes.
“This milestone is a testament to the President’s unwavering commitment to the welfare of Filipino workers worldwide.”
Ipinahayag ni Speaker Romualdez ang kanyang pakikiisa sa mga pamilya ng mga tripulante, at pagkilala sa kanilang katatagan at pag-asa sa gitna ng matinding pagsubok.
“Their safe return is a triumph for their families and for the entire Filipino nation. This moment of joy is a reminder of what can be achieved through collaboration, perseverance, and diplomacy,” ayon sa kaniya.
Gayunman, binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng patuloy na pagpapalakas ng mga polisiya na nangangalaga sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Binanggit din ng mambabatas ang kamakailang pagpapatibay ng Republic Act No. 12021, o ang Magna Carta of Filipino Seafarers, na isang mahalagang hakbang upang matiyak ang mga karapatan, kaligtasan, at oportunidad para sa mga Pilipinong propesyonal sa maritime industry.
“The House of Representatives remains steadfast in its commitment to supporting legislation and reforms that promote the dignity, security, and prosperity of all Overseas Filipino workers,” dagdag pa nito.
Nakikiisa rin si Speaker Romualdez kay Pangulong Marcos sa pagpapahayag ng pasasalamat kay Kanyang Kamahalan Haitham bin Tarik, Sultan ng Oman, sa pamahalaan ng Oman, at sa iba pang mga organisasyon na tumulong sa negosasyon na nagresulta sa paglaya ng mga mandaragat at sa kanilang ligtas na pagdaan sa Oman.
Ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nasa ligtas na kalagayan na ngayon ang mga Filipino matapos ang mahigit isang taong pagkakabihag.
Pinalaya rin ng mga rebelde ang iba pang crew members ng MV Galaxy Leader.
Ayon kay Pangulong Marcos, nasa pangangalaga na ng Philippine Embassy sa Muscat, Oman ang mga Filipino seafarers at agad na iuuwi sa Pilipinas para makapiling ang kanilang pamilya.
Nagpasalamat si Pangulong Marcos kay Oman Sultan Haitham Bin Tarik at sa kanyang gobyerno para sa matagumpay nilang mediation o pamamagitan.
Pinuri rin ni Pangulong Marcos ang mga kaukulang ahensya ng Philippine government at private instrumentalities na walang-pagod na nakipagtulungan sa foreign government at entities upang mapalaya ang mga Filipino matapos ang 429 na araw.
Iginiit pa ni Pangulong Marcos na ang matatapang na Filipino seafarers ang rason kung bakit niya nilagdaan ang Magna Carta of Filipino Seafarers upang ma-protektahan ang kanilang karapatan at kapakanan, maitaguyod ang kanilang full employment, at matiyak ang pantay na oportunidad sa maritime industry kabilang ang access sa edukasyon at training at development, salig sa mga umiiral na domestic at international laws, standards, at conventions.