Quimbo

Quimbo sa PhilHealth: Pag-aralan mungkahi ni Speaker Romualdez na moratorium

29 Views

HINIMOK ni Marikina City Rep. Stella Quimbo ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na seryosohin ang mungkahi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na magpatupad ng isang taong moratorium sa koleksyon ng premium contribution sa gitna ng malaking sobra sa ginagamit nitong pondo.

“Panawagan nga ito ni Speaker, sabi niya, pag-isipan ninyo, pwede namang mag moratorium dahil sa totoo lang ang dami pang natitira na pondo,” ani Quimbo sa briefing ng House Committee on Good Government and Public Accountability hinggil sa finances ng PhilHealth noong Miyerkules.

Ipinaalala niya na bilang isang social health insurance program, hindi dapat layunin ng PhilHealth ang kumita, kundi ang pagbibigay ng pinakamalaking benepisyo para sa mga miyembro nito.

“Kasi nga ang isang health insurance program … pero social health insurance program kayo ASec Albert, magkano ba dapat ang tubo ng isang social health insurance program?” tanong pa ng mambabatas.

Tugon naman ni Department of Health Assistant Secretary Albert Domingo na, “Zero po ang tubo ng isang social health insurance program.”

Pinuna ni Quimbo ang pananalapi ng PhilHealth at tinanong ang dahilan ng patuloy na koleksyon ng premium sa kabila ng malaki nitong reserbang pondo.

“Meron kang gripo na may tumutulong tubig, meron kang timba na sumasalo dun sa tubig at napuno na ang timba dahil nakabukas ang tubig, anong dapat nating gawin?” usisa pa ng lady solon.

Paliwanag naman ni Domingo, “Para hindi po masayang ‘yung tubig, sinasara po yung gripo.”

Sa ulat ni PhilHealth Senior Vice President Israel Pargas, lumalabas na nakalikom ang ahensya ng halos P195 bilyon mula sa direktang premium noong nakaraang taon.

Sa kabila ng inaasahang pagtaas ng gastusin para sa benepisyo sa 2025, binanggit ni Quimbo na nananatiling matatag ang kalagayang pinansyal ng PhilHealth.

“Okay, so ibig sabihin kahit na po walang subsidy ngayong taon ay kayang-kaya. Hindi lang po kayang-kaya kundi kayang-kaya,” punto pa ni Quimbo at sinabing maging sa pagtatapos ng taon, magkakaroon pa rin ng bilyon-bilyong sobrang pondo ang ahensya.

Nangangamba rin ang mambabatas sa kakayahan ng Philhealth na magamit ng mahusay ang kanilang pondo at kinuwestyon rin ang ginamit na batayan sa pagtukoy ng premium rate.

“May special provision po tayo sa GAA 2024 na you are required to undergo or to have an actuarial valuation, ito po ba ay ginawa natin?” tanong pa nito.

Una na ring kinumpirma ni Nerissa Santiago ng Philhealth na kumuha ng consultant ang tanggapan para sa 2024 valuation, subalit walang mahahalagang natuklasan na iniulat.

Sa pagdinig, tinanong ni Quimbo ang mga opisyal ng PhilHealth kung naisip ba ng ahensya ang pagbaba ng mga premium dahil sa kanilang sobrang pondo.

“Nagbaba na ba kayo ng premiums?,” tanong ni Quimbo.

Inamin naman PhilHealth President at CEO Emmanuel Ledesma Jr. na hindi ito napag-usapan, “Not yet po. Not yet Mr. Chair.”

Idinagdag pa niya na ang istruktura ng pondo ng PhilHealth, na pangunahing nagmumula sa sin tax, ay nagdudulot ng lumalaking pondo na maaaring hindi akma sa tunay na pangangailangang pangkalusugan ng mga miyembro.

“Sa ngayon, tila hindi naaayon ang basehan ng pagkolekta ng premiums sa aktwal na pangangailangan ng ating mga kababayan,” saad ni Quimbo.

Pinag-usapan din kung ano ang ginagawa sa mga kontribusyon na hindi nagamit.

Paliwanag ni Domingo, “Sa isang pay as you go system or parang paluwagan, kung hindi ka nagkasakit sa ngayon, may iba pong dapat na gumamit nong inyong binigay.”

Pinagtuunan din ng pansin ni Quimbo ang hindi pagkakatugma ng koleksyon at paggamit ng pondo.

“So ibig sabihin, kasi lagi nalang naming sinasabi, pasensya nalang po PhilHealth na naku ang dami niyong pondo pero dahil for some reason or the other, ayaw niyong gastusin o mabagal ang paggastos,” saad nito.

Dahil dito, Hinimok ni Quimbo ang ahensya na magbigay ng mga malinaw na plano upang mapabuti ang actuarial management at tiyakin na ang mga pondo ay maayos na nagagamit.

“Kaya lang anong gagawin natin despite the fact na ang kulit kulit na namin ganun pa rin ang sitwasyon,” dagdag pa ng kongresista.

Muling iginiit ni Quimbo na dapat unahin ng PhilHealth ang kapakanan ng mga miyembro at tiyakin na ang kanilang mga kontribusyon ay nagreresulta sa mga konkretong benepisyo.