Teofimar Renacimiiento

Mga ‘abusadong’ pari at madre na panig kay Robredo

340 Views

‘ABUSADO’ na talaga ang mga pari at madreng Katoliko sa Pilipinas ngayon. Halos wala silang pagkakaiba sa mga Padre Damaso at Madre Damasa nung panahon ni Jose Rizal, ang pambansang bayani ng Pilipinas.

Pinagbabawal ng saligang batas o 1987 Constitution na makialam ang mga pari at madre sa pulitika. Dapat lang, sapagkat hindi nagbabayad ng buwis ang simbahan. “Exempted” sila sa pagbayad ng buwis, ayon sa saligang batas.

Ang karapatan ng mamamayan na batikusin ang pamahalaan ay nagmumula sa binabayaran nilang mga buwis. Ang mga nasabing buwis kasi ang ginugugol sa pagpapatakbo ng pamahalaan.

Dahil ang salaping nagmumula sa mga buwis ang ginagastos ng pamahalaan, likas ang karapatan ng taong-bayan na batikusin ang paraan ng pagpapatakbo ng pamahalaan.

Samakatuwid, dahil hindi nagbabayad ng buwis sina Padre Damaso at Madre Damasa, wala silang karapatan makialam sa pagpapatakbo ng pamahalaan. Hindi sila dapat mamulitika.

Kabaligtaran ang kasalukuyang nangyayari dito sa ating bansa.

Hindi maaaring tanggihan ng mga pari at madre na kinakampanya nila si Leni Robredo sa darating na halalan. Garapalan na silang pumapanig kay Robredo.

Inulat sa isang pahayagan nitong Abril 24 na isang libong pari at madre sa Tondo, Maynila ang nagkakampanya para kay Robredo. Inaasahan nilang magkakaroon sila ng matinding kapangyarihan at inpluwensiya sa pamahalaan sakaling si Robredo ang maging pangulo.

Dahil Katoliko-sarado si Robredo, naniniwala ang mga pari at madre na magiging sunud-sunuran lang sa mga kagustuhan ng simbahang Katoliko si Robredo. “Happy days” muli para kina Padre Damaso at Madre Damasa kapag naging pangulo si Robredo.

Kapag nangyari iyon, magiging bale-wala ang lahat ng mga pinagpaguran ni Rizal laban sa mga abusadong mga prayle at madre.

Rosas (pink) ang kulay ng kampanya ni Robredo. Pakunwari pa si Robredo sa nasabing kulay. Ang totoo, dilaw ang tunay na kulay ni Robredo dahil siya ang pinuno ng Liberal Party, ang lapiang sinasagisag ng kulay dilaw, at siyang sinuka ng mga botante sa halalang ginanap nung Mayo 2019.

Kunwari lang na “independent” na kandidato si Robredo.

Napansin ng maraming Pilipino na pagsimula pa lang ng taong 2022, tuloy-tuloy na ang pamumulitika ng maraming mga pari at madre. Sa karamihan ng mga misa sa buong kapuluan, kitang-kita ang kulay rosas ni Robredo sa altar at sa paligid ng simbahan.

Maraming pari ang nagsusuot ng kulay rosas na balabal habang nagmimisa. Mga halamang may mga bulaklak na kulay rosas ang nakalantad sa altar at sa paligid nito. Maging ang kulay ng dingding at mga bentilador sa tabi ng altar, kulay rosas din. Pati ang mga umaawit na kabataan sa likuran ng simbahan, lahat nakasuot ng kulay rosas. Kahit sa misa sa TV tuwing araw ng Linggo, laganap ang kulay rosas sa ginagamit na altar.

Grabeng pagkampanya na talaga ang ginagawa nina Padre Damaso at Madre Damasa!

Imbis na mamulitika ang mga pari at madre, dapat ayusin nila muna ang mga umano’y anomaliya sa kanilang mga hanay.

Maraming ulat sa pahayagan tungkol sa mga paring nanggagahasa ng mga batang lalaki, karamihan mga sakristan. Naiulat na rin ang ibang paring nakikipagtalik sa motel kasama ng mga batang babae. Nagpaparaos sila ng kanilang kamunduhan sa mga inosenteng kabataan.

Maaalala ang paring inamin sa pahayagan at telebisyon na ipinagdarasal niya na magkasakit si Pangulong Rodrigo Duterte. May pari pala na ipinagdarasal ang kapahamakan ng isang tao! Hindi iyan gawain ng matinong pari.

Naiulat rin ang karahasang inabot ng isang batang babae sa kamay ng isang pari sa isang lalawigan. Anak ng isang hamak na nagtatrabaho sa simbahan yung bata. Tumutulong ang bata sa kanyang ina sa mga tungkulin nito sa simbahan. Pinukpok ng nasabing pari ang bata matapos niyang matuklasan na nakaligtaan ng bata na pakainin ang Rottweiler (isang mamahaling uri ng aso) ng pari. Grabe talaga si Padre Damaso!

Nung 2010, dinemanda ng mga pari ng Manila Cathedral si Carlos Celdran, isang “tour guide” na nagprotesta sa loob ng nasabing simbahan dahil sa pakikialam ng mga prayle sa pulitika. Hindi pinatawad ng mga prayle si Celdran, kahit inuutos ng Ama Namin ang pagpapatawad sa kapwa.

Bilang mga alagad ng simbahan, ang mga pari ang dapat unang sumunod sa mga alituntunin ng Diyos. Kaya lang, mukhang “exempted” ata si Padre Damaso sa utos ng Diyos.

Isang madre ang kasalukuyang may kasong kriminal dahil napatunayan na nagsinungaling siya sa isang notaryadong dokumentong isinumite sa isang hukuman. Biro mo? Madreng sinungaling!

Mayroon isang madre na namumuno sa isang mamahaling paaralang pang babae sa Maynila na abusado rin. Sa pamamagitan ng online account ng nasabing madre, ginamitan niya ng masamang mga salita ang isang babaeng hukom o judge ng Regional Trial Court ng Maynila. Hindi kasi sang-ayon si Madre Damasa sa hatol ng hukom sa kaso ng isang maka-Robredong manunulat sa isang pahayagang online.

Biro mo, madreng hindi abogado, mas marunong pa sa hukom! Tapos, hindi pa sumusunod sa turo ng Bibliya na huwag magpairal sa mga masasamang dila!

Tulad ni Padre Damaso, tila “exempted” din si Madre Damasa sa utos ng Diyos.

Dahil sa mga nasabing pinaggagawa ng mga pari at madre, hindi kataka-taka na umuunti na ang mga Katolikong nagsisimba tuwing linggo.

Alam naman nina Padre Damaso at Madre Damasa na ‘mapagpakunwari’ si Robredo. Kung ganun, bakit nila tinatangkilik ang kandidatura ni Robredo?

Dapat tumugon ang taong-bayan. Huwag tayo magpaloko kina Padre Damaso at Madre Damasa. Sa darating na halalan, huwag iboto si Robredo.