Palasyo

Wala kaming pananagutan sa blank items sa 2025 national budget–Malakanyang

Chona Yu Jan 24, 2025
16 Views

WALANG kinalaman ang Palasyo ng Malakanyang sa blank items sa bicameral conference committee report sa 2025 national budget.

Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, walang pananagutan ang Palasyo ng Malakanyang sakaling kwestyunin at idulog sa Korte Supreme ang blank items sa budget.

Paliwanag ni Bersamin, walang kinalaman ang sangay ng ehekutibo sa bicam report.

Tanging ang mga kongresista at mga senador ang gumawa sa bicam report at ang natanggap na kopya ng Palasyo sa budget ay maayos na bago nilagdaan ni Pangulong Marcos.

Sinabi pa ni Bersamin na hindi rin kayang pigilan ng Palasyo ang sino man na na dudulog sa Korte Supreme tulad ni Davao Congressman Isidro Ungab at iba pa.

“Hindi kami ang mananagot diyan, dahil wala kaming kinalaman sa bicam report,” pahayag ni Bersamin.

Masyadong maaga pa aniya na mag komento ang Palasyo dahil wala pa namang pormal na reklamo na naihahain sa Korte Supreme.

Matatandaan na sinabi ni dating executive Secretary at Senatorial aspirant Atty. Vic Rodriguez na may ilang abogado ang nagbabalak umakyat sa Korte Supreme tungkol sa mga blangkong item sa bicameral report.

Sinabi pa ni Rodriguez na inaasahan niyang sasagutin ng administrasyon ang aniya ay hindi pagkakapare-pareho sa 2025 budget na aniya ay labag sa batas.