Madrona optimistiko sa positibong resulta magandang PH-US alyansa

Mar Rodriguez Jan 24, 2025
20 Views

OPTIMISTIKO si Romblon Lone Dist. Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona na magkakaroon ng positibo at magandang resulta ang pagpapatuloy ng matatag na alyansa sa pagitan ng Philippine government at gobyerno ng Estados Unidos sa ilalim ng bagong pamamahala ni US President Donald Trump.

Naniniwala si Madrona, chairman ng House Committee on Tourism, na hindi maaapektuhan ng napipintong paghihigpit sa Amerika kaugnay sa maigting na pagpapatupad ng “immigration laws” laban sa mga “undocumented” na naninirahan at nagta-trabaho sa Estados Unidos kung saan maraming Pilipino ang inaasahang tatamaan nito.

Sinabi ng kongresista na mismong tiniyak din ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na magpapatuloy ang malakas at matatag na ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika sa ilalim ng bagong administrasyon ni President Trump.

Ayon kay Madrona, inaasahan na magkakaroon ng malalim at matibay na alyansa ang dalawang bansa sa usapin ng depensa patungkol sa masalimuot na isyu ng West Philippine Sea (WPS) sa gitna ng patuloy na panggigipit na ginagawa ng China.

Kinatigan din ni Madrona ang iminungkahi ng kapwa nito mambabatas kay Pangulong Marcos, Jr. patungkol sa pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at Amerika upang matiyak na mapo-protektahan ang karapatan ng mga Pilipinong nagta-trabaho at naninirahan sa US na inaasahang maaapektuhan ng pagpapatupad ng “immigration crackdown”.

Gayunman, nagpahayag ng pagkabahala si Madrona kaugnay sa magiging kapalaran ng mga Pilipinong “undocumented” sa Estados Unidos dahil sa pagpapatupad ng mahigpit na “immigration laws” kung saan maraming Pinoy ang tiyak na made-deport pabalik ng Pilipinas.

Kaugnay nito, hinikayat ng Philippine Embassy sa US ang mga Pilipino na ilegal na naninirahan sa naturang bansa na simulan na nilang makipag-ugnayan dahil sa pagsisimula ng immigration crackdown na ipatutupad ng Trump administration laban sa mga illegal aliens.

Nabatid na tinatayang 350,000 Pilipino sa US ang illegal na naninirahan dito kung saan inaasahan na maaapektuhan din ng nasabing “crackdown” ang mga Pinoy na sampung taon ng nagta-trabaho at mayroon narin pamilya mula ng sila’y dumating sa US.

To God be the Glory