Calendar
Villar isinulong Muslim prayer rooms sa pampublikong lugar
ISINUSULONG ni Senador Mark Villar ang Senate Bill No. 2288, isang panukalang batas na naglalayong gawing mandatoryo ang pagkakaroon ng Muslim prayer rooms sa lahat ng pampublikong tanggapan at establisimyento sa buong bansa. Layunin nitong itaguyod ang pagkakapantay-pantay at respeto sa relihiyosong pagkakaiba-iba.
Ang panukalang batas na pinamagatang “An Act Mandating the Establishment of Muslim Prayer Rooms in All Public Offices and Establishments” ay naglalayong maglaan ng mga lugar para sa pagdarasal ng mga Muslim na Pilipino, isang hakbang upang punan ang matagal nang kakulangan sa pampublikong pasilidad para sa ganitong layunin.
“It is my honor to be a catalyst of change for our Muslim brothers and sisters. The Islamic faith mandates our Muslim brothers and sisters to pray five times each day. As such, this representation filed Senate Bill No. 2288 to guarantee them prayer rooms where they can perform their prayers in a quiet, dry, and clean place,” pahayag ni Villar sa harap ng Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs.
Binigyang-diin pa ni Villar ang pangangailangan ng naturang panukala sa isang bansang karamihan ay Katoliko.
“Mr. Chair, as a largely Catholic country, I believe that while our Constitution guarantees the free exercise and enjoyment of religious professions, without discrimination or preference, there is still a gap that needs to be fulfilled in providing the proper avenue for other religions to exercise their faith in public spaces.”
Idinagdag din ni Villar ang potensyal ng hakbang na ito na mapalakas ang turismo.
“Bukod po sa pagbibigay ng prayer rooms para sa ating mga kapatid na Muslim, isang malaking hakbang po para sa ating Muslim-friendly campaign ang pagkakaroon ng sapat na prayer rooms sa mga public offices at establishments na magagamit ng mga turista na bumibisita dito sa ating bansa—therefore, driving the tourism market.”
Ang nasabing panukalang batas ay nag-aatas sa mga pampublikong tanggapan at establisimyento na maglaan at magpanatili ng mga prayer room sa kanilang nasasakupan.
Sa pagdinig ng komite noong Enero 23, 2025, pinuri ni Senador Robinhood Padilla ang inisyatiba ni Villar at tinawag itong isang hakbang upang maipakita ang respeto ng Pilipinas sa lahat ng relihiyon. Inihayag din ni Padilla ang plano na magtayo ng isang mosque sa bagong gusali ng Senado sa Bonifacio Global City, Taguig.
Nagpahayag din ng suporta si Senador Risa Hontiveros:
“I am here to support the bill introduced by Sen. Mark Villar and sponsored by Sen. (Robinhood) Padilla because I believe that there should be a space and time for all Filipinos in the country.”
Ayon kay Hontiveros, ang panukalang ito ay sumasalamin sa lumalaking pagkilala sa pangangailangang bigyang-daan ang mga Muslim na maisagawa ang kanilang paniniwala sa pampublikong lugar, alinsunod sa konstitusyonal na garantiya ng kalayaan sa relihiyon.
Sa higit 5% ng populasyon ng Pilipinas na kinikilala bilang Muslim, sinabi ni Villar na ang hakbang na ito ay titiyak na malaya at maginhawa nilang maisasagawa ang kanilang pananampalataya.