Fernandez Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez

Imbestigasyon sa mga nagkakalat ng fake news sisimulan na ng Kamara

31 Views

SISIMULAN na ng Kamara de Representantes ang imbestigasyon nito kaugnay ng talamak na pagkalat ng fake news at disinformation sa publiko.

Ang imbestigasyon ay isasagawa ng tri-committee na binubuo ng House committees on public order, public information, at information and communications technology (ICT).

Layunin ng imbestigasyon na tuklasin at ilantad ang mga nasa likod ng massive disinformation machinery at ang epekto nito sa lipunan, partikular sa mga Pilipino.

Itinakda sa Lunes ang gaganaping unang executive briefing na pangungunahan ni Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez.

Binigyan-diin ni Fernandez ang kahalagahan ng agarang matugunan ang malawakang disinformation o pagpapakalat ng maling impormasyon para linlangin ang publiko, na aniya’y nakakaapekto sa pambansang pagkakaisa, kaayusan sa lipunan at mga demokratikong proseso.

“Ang mga Pilipino ay may karapatan sa katotohanan. Dapat protektahan natin ang ating mga kababayan laban sa mga maling impormasyong nagdudulot ng takot, kalituhan at pagkakawatak-watak ng ating lipunan,” giit ni Fernandez.

Kabilang sa mga inaasahang dadalo sa briefing ang mga kinatawan mula sa mga pangunahing social media platforms, upang ipaliwanag ang kanilang mga polisiya at hakbang sa pananagutan sa paglaban sa fake news, cyberbullying at mapanirang content.

Nais ng mga mambabatas sa Kamara na malaman ang kakayahan at ang ipinapatupad na polisiya ng mga online platforms sa paglaban sa disinformation, gayundin ang paglikha ng kinakailangang batas bilang solusyon.

Tiniyak ni Fernandez na ang mga nagkakalat ng kasinungalingan at nagmamanipula ng impormasyon para sa sarili at political na interes ay dapat na panagutin.

“Hindi natin hahayaang magpatuloy ang sistemang ito kung saan nalilinlang ang ating mga kababayan. Panahon na upang malaman natin ang mga nagpapakalat ng kasinungalingan para sa pansariling interes,” saad pa nito.

Kabilang sa mga pangunahing isyu na tatalakayin sa briefing ang transparency ng mga social media platforms sa pagtukoy at pagtanggal ng maling impormasyon, ang pagpapatupad ng mga hakbang sa pananagutan laban sa mga paulit-ulit na lumalabag tulad ng mga iresponsableng vlogger at influencer, at ang mas malawak na epekto ng disimpormasyon sa pambansang seguridad, lalo na sa usapin ng hidwaan sa West Philippine Sea (WPS).

Tututukan din sa imbestigasyon ng Kamara ang mga panganib na dulot ng fake news sa mga ordinaryong Pilipino, lalo na sa kabataan at marginalized na siyang pangunahing biktima ng cyberbullying at online harassment.

Inaasahan na magsusulong ang mga mambabatas ng mas pinatibay na mga polisiya upang matiyak na magpapatupad ang mga social media platforms ng mas mahigpit na mga proteksyon at parusa laban sa mga lalabag.

Nagbabala rin si Fernandez at nangakong magsasagawa ng agarang aksyon ang Kongreso laban sa mga nagpapakalat ng fake news.

“Sa mga nagpapalaganap ng kasinungalingan, binabalaan namin kayo. Sisiguraduhin natin na may pananagutan ang mga nagkakalat ng fake news,” paliwanag pa nito.

Hinimok din niya ang publiko na maging mapagbantay at mapanuri sa mga impormasyong kanilang binabasa online, at hinikayat ng sama-samang pagsisikap upang labanan ang paglaganap ng fake news.

“Ang laban na ito ay hindi lamang sa loob ng Kongreso, kundi laban ito ng bawat Pilipino na naghahanap ng katotohanan,” dagdag pa ng kongresista.

“Ang fake news ay lason na sumisira sa ating demokrasya. Hindi tayo titigil hangga’t mapanagot ang mga nasa likod nito at matiyak na may tamang proteksyon ang ating mga kababayan,” pahayag ni Fernandez.