Motorsiklo

LTO chief: Mas maraming LTO enforcers kailangan sa Marilaque road

Jun I Legaspi Jan 28, 2025
34 Views

GUSTO ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na maramdaman ang presensya ng mga LTO enforcers sa Marilaque Road sa Rizal dahil sa mga aksidente ng motorsiklo, kabilang ang viral video ng banggaan ng dalawang motorsiklo na nauwi sa pagkamatay ng isang vlogger.

Bumisita si Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) Director Police Brig. Gen. Eleazar Matta kay Asec Mendoza upang talakayin ang mga hakbang na maaaring gawin upang higit pang mapalakas ang kooperasyon at koordinasyon para sa kaligtasan sa kalsada.

Nagkasundo ang dalawang opisyal na palakasin ang presensya ng LTO at PNP sa lugar upang matiyak ang disiplina ng mga motorcycle rider.

Ayon kay Asec Mendoza, inatasan na niya si LTO-Calabarzon Regional Director Elmer Decena na makipag-ugnayan sa mga pulis at mga lokal na pamahalaan upang maiwasang maging motorcycle exhibition area ang Marilaque Road para sa mga motorcycle riders.

“Dapat na nating itigil ang ganitong gawain dahil inilalagay nito sa panganib ang buhay hindi lang ng mga motorcycle rider kundi pati na rin ng iba pang gumagamit ng kalsada.

Sa pinakahuling kaso, may namatay na ngang motorcycle vlogger at may mga nadamay pang turista,” ani Asec Mendoza.

Namatay ang motovlogger na si John Louie Arguelles na naaksidente kasama ang isa pang motorcycle rider habang nagsu-Superman stunt gamit ang kanyang motorsiklo.

Ang nakaligtas na rider nahaharap ngayon sa mga kasong kriminal kaugnay ng insidente.

Maglalabas din ang LTO ng show cause order (SCO) laban sa nakaligtas upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat bawiin ang kanyang lisensya sa pagmamaneho dahil sa stunt na ginawa nito.

Kabilang sa mga kasong administratibo na kinakaharap ng nakaligtas na rider ang reckless driving at pagiging improper person to operate a motor vehicle.

“Nais naming muling paalalahanan ang mga motorcycle rider na iwasang gawing eksibisyon ang pampublikong kalsada. Napaka-iresponsableng gawain po ito.

May mga tamang lugar para sa ganitong aktibidad at hindi dapat ito gawin sa kalsada dahil nilalagay ninyo sa panganib ang buhay ng mga gumagamit nito,” ani Asec Mendoza.