QC

Estudyante pangalagaan, QC schools pinaalalahanan

Cory Martinez Jan 28, 2025
35 Views

HINIKAYAT ng Quezon City ang lahat ng paaralan sa lungsod na pangalagaan ang kaligtasan ng kanilang mga estudyante kung mag-oorganisa ng malaking event.

Sa isang pahayag, sinabi ng QC government na nararapat na unahin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at ang responsableng pagpaplano ng mga paaralan tuwing nag-oorganisa ang mga ito ng iba’t-ibang event.

Inilabas ang naturang pahayag matapos mag-viral sa social media ang mga video na pinost ng mga estudyante ng Bestlink College of the Philippines na kung saan nagrereklamo ang mga ito na pinwersa umano silang maglakad nang malayo bago marating ang kanilang venue at pagbalik sa bus terminal.

Bumiyahe ang mga estudyante sa Hermosa, Bataan kung saan ginanap umano ang founding anniversary ng kanilang paaralan.

Reklamo din ng mga estudyante na sobrang commercialized ang naturang event dahil sa mahal na transportation fee at overpriced na resort ticket.

Ayon sa QC LGU, dapat na magsumikap ang lahat ng mga paaralan ng metikulosong pagpaplano at dapat na makipag-ugnayan sa LGU at ibang awtoridad sa tuwing mayroon silang katulad na event.

“Adherence to established safety protocols is non-negotiable and must be strictly observed to safeguard students and prevent undue inconvenience to the public.

We call on all educational institutions to remain steadfast in upholding these standards. Together, let us create a safer, more responsible environment for our students and the broader community,” dagdag pa ng QC.