BOC

P24M na di deklaradong foreign currency naharang ng BOC sa NAIA

31 Views

NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang PhP24.204 milyong halaga ng hindi deklaradong foreign currency na dala ng dalawang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3, sa Pasay City noong Enero 22 at 23, 2025.

Ayon sa BOC noong Enero 22, 2025, naharang ng mga tauhan ng BOC-Collection District III (NAIA), katuwang ang Enforcement and Security Service (ESS) at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), ang isang Pilipino na may dalang USD272,000, (tinatayang PhP15,912,272) na hindi idineklara.

Kinabukasan, kanila namang naharang ang isang Japanese national na may dalang USD43,710, JPY15,040,000, at PhP62,000, na tinatayang katumbas ng PhP8,292,166.71.

Nakuha ang mga hindi idineklarang pera sa bagahe ng mga pasahero, na binuksan sa kanilang presensya.

Ang dalawang pasahero ay mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 117, 1400, 1401, at 1403 ng Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act), Manual of Regulations on Foreign Exchange Transactions ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Republic Act No. 7653 (The New Central Bank Act), at Section 4 ng Republic Act No. 9160 (Anti-Money Laundering Act).

Pina-igting ng BOC ang kampanya nila laban sa mga iligal na aktibidad gaya ng financial crimes bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang pagbabantay sa mga border.

Iginiit ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio na patuloy na paiigtingin ng BOC ang kampanya nito laban sa false declaration ng pera.

“The Bureau of Customs remains steadfast in intercepting unauthorized cross-border movement of currencies, and we will ensure that those who violate the regulations are dealt with in accordance with the law,” sabi ni Rubio.

Sa ilalim ng pamumuno ni District Collector Yasmin O. Mapa, nangako ang BOC-NAIA na ipagpapatuloy ang maigting na pagganap sa kanilang mandato na ipatupad ang mga customs regulation at pangalagaan ang border ng bansa.