Calendar
Samar drug bust: 3 laglag, P20M na shabu nakumpiska
CATBALOGAN CITY, SAMAR–Tatlong umano’y tulak ng ilegal na droga ang nalaglag sa kamay ng batas at nakumpiska sa kanila ang tatlong kilo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na mahigit P20.31 milyon sa Brgy. Bagong Mahayag, Catbalogan City, Samar noong Lunes.
Nahuli ang tatlo ng mga pinagsamang operating units, kabilang ang Western Samar Provincial Highway Patrol Team (WSPHPT), sa Maharlika highway ng naturang barangay.
Pagdating sa lugar, plinag down ang gray Mazda pickup ng mga tauhan ng WSPHPT dahil sa paggamit ng improvised plate number.
Sa sandaling iyon, napansin ng mga pulis na isa sa mga pasahero na tila balisa at natataranta.
Doon na nadiskubre na may hawak na isang sachet ng puting crystalline substance na hinihinalang shabu sa kanyang kanang kamay habang sinusubukang itago sa ecobag.
Nadiskubre din sa tabi ng pasahero ang digital weighing scale kaya nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Dondon, 42; Kokoy, 48; at Mer, 40.
Nagtungo si P/BGen. Jay Cumicad, hepe ng Police Regional Office 8, kasama si Prosecutor Katrina Castillo mula sa City Prosecutor’s Office sa pinangyarihan ng operasyon at nagsagawa ng on-site inspection.
Binigyang-diin ni P/Col. Antonietto Eric Mendoza, Provincial Director ng Samar Police Provincial Office, ang tagumpay na operasyon sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t-ibang law enforcement units.