Welder

2 welder patay sa nasunog na nire-repair na barko

Edd Reyes Jan 28, 2025
37 Views

DALAWA ang namatay sa halos limang oras na sunog sa nire-repair na passenger vessel noong Lunes sa Navotas City.

Nadiskubre ng mga tauhan ng Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) ang bangkay ng mga welder na sina Junel Boncodin, 23, at Roberto Dondan, 21, sa storage room ng nasunog na M/V Amansinaya.

Pag-aari ng Majestic Shipping Corp. ang nasunog na barko, ayon sa report.

Dakong alas-9:22 ng gabi sumiklab ang sunog sa nakadaong sa shipyard sa Brgy. San Jose. Ayon sa report, nagsimula sa storage room malapit sa ballast tank ang sunog sa barko kung saan nagwe-welding ang mga nasawi.

Sa imbestigasyon ni Fire Investigator FO2 Kenneth Esteban ng Navotas BFP, may mga nakaimbak na kutson at life vests sa storage room na posibleng natalsikan ng baga mula sa pagwewelding na siyang pinagmulan ng apoy.

Nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang sunog dahil sa loob ng barko ang apoy na hindi mapasok dahil limitado ang lagusan.

Ligtas namang nakalabas ang 25 pang trabahador na nagkukumpuni sa barko pati ang kapitan.

Posibleng panagutin ng BFP ang contractor na inupahang magkumpuni ng barko kung mapapatunayang lumabag sa batas kaugnay sa fire safety code.