Calendar
Literal na ‘liwanag sa dilim,’ Ping magpapahatid ng ‘solar lights’ para sa isang sitio sa Abra
MAGKAKAROON na ng katuparan ang pangarap ng isang sitio sa lalawigan ng Abra na mailawan ang kanilang komunidad matapos ang halos isang dekada dahil sa naging pagbisita ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson kamakailan.
Inilapit kay Lacson ang suliraning ito ng isang residente mula sa Sitio Batayan, Barangay Alangtin sa bayan ng Tubo, na dumalo sa kanyang town hall meeting sa Bangued nitong Martes (Abril 26). Noon ding araw na ‘yon, nangako siya na padadalhan sila ng ‘solar lights’ bilang agarang solusyon.
Ayon kay Lacson, bagaman hindi niya personal na maipapaabot ang nasabing produkto dahil ipinagbabawal ito sa panahon ng kampanya, makakaasa ang mga taga-Sitio Batayan na makakarating sa kanila ang mga ito sa tulong ng kanyang mga kaibigan na handang mag-sponsor nito.
“Gaano kalaki sitio ninyo? Siguro 20 sa kalye ninyo pwede na, ano? 20 solar (lamps). Iilaw na ‘yung sitio ninyo, ano? Alam niyo, kami gustuhin man naming kami ang bumili, hindi pwede—bawal kasi kampanya. Kaya maghahanap ako ng kaibigan. Pero sigurado na ‘yon,” tugon ni Lacson.
“Maski hindi ko pa nakausap ‘yung kaibigan ko sa Maynila, sigurado may ilaw na kayo doon sa inyong sitio. Hintayin niyo na lang,” dugtong pa ng presidential aspirant. Umani ng masigabong palakpakan bilang pasasalamat mula sa mga taga-Abra si Lacson dahil sa mabilis niyang pag-aksyon.
Seryoso ang usapin ng kawalan ng kuryente sa ilang mga purok sa lalawigan ng Abra na hindi pa rin konektado sa programang elektripikasyon ng gobyerno. Hinaing ng ilan sa mga nakatira rito, tila ba pinabayaan na sila ng pamahalaan dahil 10 taon na silang nagtitiis at nangangapa sa dilim.
Pagtitiyak ni Lacson, kahit hindi pa dumarating ang araw ng eleksyon ay makakarating sa Sitio Batayan ang tinutukoy niyang mga solar lamp. Labis kasing ikinababahala ng batikang senador ang mga panganib na maaaring idulot sa mga residente ng kawalan ng ilaw sa kalsada, lalo na tuwing gabi.
“Darating na lang diyan ‘yung ilaw sa inyo, hintayin niyo na lamang. Huwag na tayo maghintay ng eleksyon. Kawawa naman kayo, napakahirap ng walang ilaw. Paano kayo maglalakad sa gabi? Madadapa kayo lagi,” pag-aalala ni Lacson sa mga taga-Sitio Batayan.
Kahit wala sa kanyang kapangyarihan ang implementasyon ng mga proyekto, patuloy na humahanap ng paraan si Lacson upang matulungan ang mga komunidad na hindi naabutan ng tulong mula sa gobyerno, kahit pa hindi niya ito ipinapakita sa publiko.
Bago pa ang isinagawang public forum, nagkausap din sina Lacson, Bangued mayoral candidate Ana Marie Bersamin at iba pang mga lokal na opisyal ng pamahalaan na kanyang kaalyado para maisakatuparan ang kanilang mga mabuting hangarin para sa mga taga-Abra.
Kung tataya ang mga botante kay Lacson ngayong Halalan 2022, siguradong hindi lang ‘solar lamps’ ang maihahatid ng gobyerno sa kanyang pamumuno dahil plano niya na bigyan ng sapat na pondo ang mga pamayanang salat sa mga proyektong pangkabuhayan at pangkaunlaran.