Calendar
Mga mambabatas kinondena DA sa pagdepensa sa P58 rice price cap
BINATIKOS ng mga mambabatas nitong Martes ang Department of Agriculture (DA), na pinangungunahan ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kaugnay ng patuloy na pagtutulak nito ng maximum suggested retail price (MSRP) na P58 sa kada kilo ng imported premium rice.
Sa pagdinig ng House quinta committee, na kilala rin bilang Murang Pagkain Super Committee, mariing kinondena ng mga mambabatas ang price cap na lubha umanong mataas at magpapalakas lamang sa sabwatan sa mga rice retailer.
Pinuna ng mga miyembro ng komite ang desisyon ng DA na panatilihin ang P58 na presyo habang nagpaplano lamang ng unti-unting pagbaba sa P55 pagsapit ng Pebrero at P49 sa Marso.
Tinawag nila ang diskarte ng ahensya na hindi epektibo at malayo sa tunay na kalagayan ng mga pamilyang Pilipino na nahihirapan.
Kinuwestyon ni Quezon 1st District Rep. Mark Enverga, tagapangulo ng House committee on agriculture and food at co-chair ng quinta comm, ang rason sa likod ng P58 MSRP na sinabi nitong lubhang mataas.
“The goal should be to influence the supply chain to reduce profit margins across the board,’” ani Enverga. “‘But why are we allowing such a large markup? Shouldn’t we pressure everyone to adjust their profit margins instead?”
Binatikos pa niya ang plano ng DA na unti-unting ibaba ang presyo, iginiit na mas kapaki-pakinabang ang agarang pagbaba.
“If the MSRP can go down, then it should go down immediately. Why wait? Why allow additional profits for traders and retailers when prices can already be lowered?” tanong ng mambabatas.
Nagbigay naman ng mas matinding puna si Marikina City 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo, na tinawag ang MSRP na tagapagpaigting ng anti-competitive practices.
Babala niya, ang price ceiling ng DA ay nagsisilbi pang pahintulot ng gobyerno sa mga retailer na magsabwatan para manatiling mataas ang presyo.
“Ang nangyayari is they (retailers) now collude around the higher MSRP. Sasabihin ng mga retailers, ‘Eh allowed naman pala ang MSRP na P58. O tayong lahat, magbenta na lang tayo at P58.’ Kahit na kaya naman pala nila magbenta at P38,” sabi ni Quimbo.
“Kumbaga, naging government-endorsed collusion. Instead of transparency and competition, this creates a market standard that works against the public,” dagdag niya.
Pinuna rin ni Quimbo ang maling formula sa pagpepresyo ng DA, na aniya’y umaasa sa hindi kailangang hakbang sa supply chain na nagpapataas ng gastos na nagpapahirap sa mga mamimili. Hinimok niya ang ahensya na magpatupad ng mas competitive at transparent na estratehiya.
“Mag-monitor po kayo. Hanapin ninyo sa bawat lugar kung sino ang retailer na nakakabenta ng pinakamababang presyo,’” ani Quimbo.
“Ilista ninyo sa buong NCR o bawat lugar ang pinakamababang retailer. By transparency, nakita namin sa buong NCR, ito pala ang lowest price for this particular period. It’s actual, hindi na kayo nag-compute,” dagdag niya.
Hindi rin nagpahuli si Bulacan 2nd District Rep. Tina Pancho, na tinawag na “fundamentally unfair” para sa mga Pilipino ang P58 na presyo.
“Napakataas po nito. Parang ang nangyayari po, ang gobyerno ang nagbibigay ng pahintulot na ibenta ito sa mataas dahil ‘yun ang legal. So, hindi po talaga tayo bababa,’” aniya.
Sa kabila ng tumitinding pressure, ipinagtanggol ni DA Assistant Secretary Genevieve Guevarra ang desisyon ng ahensya sa presyo.
Ipinaliwanag niya na ang P58 MSRP ay nakabase sa global rice prices, freight, insurance at tariffs, at iginiit na mataas ang compliance sa mga pamilihan sa Metro Manila.
“Ngayon po sa pagmo-monitor natin, dalawa na lang pong brands ang nakikita natin na nasa P58 na range na ‘yan. Lahat po halos ng 30 markets na mino-monitor natin ngayon ay nagko-comply sa P58 MSRP,” ani Guevarra.
Sinabi rin ni Guevarra na plano ng DA na ibaba ang MSRP sa P55 pagsapit ng Pebrero at sa P49 pagsapit ng Marso, depende sa galaw ng global market prices.
“The Secretary has declared that the plan is to lower it to P55 and then to P49 as long as world market prices allow,” aniya.
Mariing tinanggihan ng mga mambabatas ang mga paliwanag na ito at iginiit na hindi sapat at hindi katanggap-tanggap ang timeline ng DA.
Ayon sa kanila, ang pag-antala sa pagbaba ng presyo ay nagpapalala sa paghihirap ng mga pamilyang Pilipino na nahaharap na sa mataas na inflation at limitadong kakayahang bumili.
Hiningi ng quinta comm, na pinamumunuan ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, ang isang komprehensibong nakasulat na paliwanag mula sa DA hinggil sa mekanismo at computation ng MSRP.
Isinusulong ng joint panel ang agarang reporma, binalaan na ang kasalukuyang polisiya ng ahensya ay nagdudulot ng pagkawala ng tiwala ng publiko at nagpapalala sa kalagayan ng mga mamimiling Pilipino.