PBBM Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

PBBM ikakasa buwanang job fairs

Chona Yu Jan 29, 2025
33 Views

TARGET ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magsagawa ng buwanang job fairs sa buong bansa.

Ito ay para tugunan ang unemployment rate o ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho.

Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa Jobstreet Career Con 2025 sa SMX Convention Center sa Pasay City, sinabi nito na pagsusumikapan niyang palawakin pa ang employment opportunities sa pamamagitan ng pagsasagawa ng regular career events.

“Subukan nating dalasan. Kaya medyo pilot event ito. Kung maganda ang maging resulta, ang plano talaga natin gagawa kami ng isang ganito bawat buwan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“At hindi lamang dito sa Maynila para hindi kailangang pumunta dito sa Maynila, sa NCR, at puntahan natin ‘yung mga nais mag-apply sa iba’t ibang probinsya,” dagdag niya.

Inorganisa ang Career Con 2025 ng Jobstreet sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Nasa 150 employers ang nakiisa sa job fair at may alok na 8,000 job vacancies.

Ayon kay Pangulong Marcos, nasa 18,000 na jobseekers ang nag-apply sa job fair.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, 3.2 porsiyento ng mga Pilipino ang walang trabaho noong Nobyembre 2024, mas mababa sa 3.6 porsiyento na naitala noong Nobyembre 2023.