Calendar
2 HS student nagpuslit ng MJ sa school, timbog
INARESTO ng pulisya ang dalawang high school student matapos na magpuslit umano ng marijuana sa loob ng kanilang paaralan sa Quezon City nitong Martes ng hapon
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Col. Melecio M Buslig, ang naarestong dalawang estudyante ay kapwa nasa edad 15, at grade 9 sa isang pampublikong paaralan sa Novaliches, Quezon City.
Sinabi ni Novaliches Police Station 4, P/Lt Col. Aljun Belista, naaresto ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pamumuno ni P/Lt. Benhur Jose, ang dalawang estudyante sa loob ng guidance office ng eskuwelahan bandang 5:00 ng hapon nitong Martes, Enero 28.
Sa ulat, habang nagro-roving ang security guard na si Alex Laugo sa loob ng paaralan, napansin niya ang dalawang estudyante na nakatambay sa isang restricted area ng eskwelahan.
Dinala ng sikyo sa guidance office ang dalawang estudyante dahil sa kahina-hinalang ikinikilos ng mga ito.
Inutusan naman ng guidance counselor ang dalawang estudyante na ilabas ang lahat ng laman ng kanilang bulsa at doon ay nadiskubre ang itinatagong marijuana ng mga ito.
Nakumpiska sa kanila ang dalawang gramo ng marijuana na nakalagay sa transparent plastic zip lock.
Nakatakda naman kasuhan ang dalawang Child in Conflict with the Law. (CICL) sa paglabag sa Section 11, Article II ng R.A. 9165.