DOLE Secretary Beinvenido Laguesma DOLE Secretary Beinvenido Laguesma

DOLE nakahandang umayuda sa PH deportees

Chona Yu Jan 29, 2025
20 Views

NAKAHANDA ang Department of Labor and Employment (DOLE) na tulungan ang mga Pilipinong deportees mula sa Amerika.

Sa ambush interview kay Labor Secretary Beinvenido Laguesma sa jobs fair sa Pasay City, sinabi nito na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyakin na maabutan ng ayuda ang deportees.

“Ang Department of Labor and Employment, batay sa tagubilin ng Pangulo, aalalay, susuporta para makatulong doon sa mga posibleng ma-deport,” pahayag ni Laguesma.

Una nang nangako si US President Donald Trump na magkakaroon ng crackdown sa illegal immigration.

Nasa 24 na Pilipino na ang ipinatapon pabalik ng Pilipinas habang 80 iba pa ang nasa deportation process.

Inihalimbawa ni Laguesma ang pagtulong na ginawa ng gobyerno sa 200,000 na undocumented Filipinos sa Malaysia.

Nakahanda rin aniyang tumulong sa mga deportees ang Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA).