Calendar
P10.2M shabu tinago sa imported na bintana, naharang ng BOC
NAHARANG ng Bureau of Customs (BOC), sa pamamagitan ng profiling at x-ray screening, ang tinatayang P10.2 milyong halaga ng shabu na itinago sa mga bintana na gawa sa PVC.
Ipinasok ang 1,502.9269 gramo ng shabu sa apat na aluminum tube.
Ang shipment ay idineklarang Black Vinyl Window Made Out of PVC, na galing sa Estados Unidos.
Napansin ng mga tauhan ng BOC ang kahina-hinalang nakatago sa loob ng bintana kaya isinailalim ito sa physical examination kung saan nadiskubre ang mga shabu.
Ang physical examination ay isinagawa ng BOC kasama ang kinatawan ng PDEA Regional Office III, PNP Aviation Security Unit General Aviation, PNP Drug Enforcement Group III, NBI Pampanga, at mga opisyal ng barangay sa Dau.
Pinuri ni District Collector Jairus Reyes ang matagumpay na operasyon ng BOC. “This successful operation highlights our dedication in safeguarding our borders through increased vigilance and close cooperation with our partner agencies,” sabi nito.
Nagpalabas ng Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment kaugnay ng paglabag sa Section 118(g), Section 119(d), at Section 1113 paragraphs (f), (i), at (l) ng R.A. No. 10863, o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng R.A. No. 9165.
Sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio, pinaigting ng BOC ang kampanya nito laban sa smuggling at pinalakas ang border security ng bansa.
“The BOC is dedicated in preventing smuggling activities and strengthening border security to protect our nation and citizens from the threats posed by illicit substances,” sabi ni Commissioner Rubio.