Sen. Win

Sen. Win nanawagan ng mas matinding child nutrition, daycare programs

47 Views

ISINUSULONG ni Sen. Sherwin Gatchalian ang mas matibay na programa ng pamahalaan sa child nutrition at daycare upang matugunan ang mga kakulangan sa early childhood education.

Batay sa mga natuklasan sa Year Two Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), sinabi ng senador na ang kakulangan sa nutrisyon at limitadong access sa child development centers (CDCs) ilan sa mga hadlang sa maagang pagkatuto ng mga batang Pilipino.

Ipinakita sa EDCOM II report ang nakababahalang datos kaugnay ng malnutrisyon sa mga bata, kung saan 25% lamang ng mga sanggol na may edad 6-12 buwan ang nakakakuha ng rekomendadong pang-araw-araw na energy intake, habang isa sa apat na batang mas bata sa 5-anyos stunted o bansot.

Binigyang-diin ni Gatchalian na hindi lamang naaapektuhan ng malnutrisyon ang pisikal na paglaki ng mga bata.

Iminungkahi rin niya ang pagsasama ng mga nutrition program sa early childhood education upang matiyak na ang mga bata sa daycare centers nakakatanggap ng sapat na sustansya na makakatulong sa kanilang paglaki at pagkatuto.

Hinikayat din niya ang Department of Education at mga lokal na pamahalaan na palakasin ang feeding programs sa mga pampublikong paaralan at child development centers.

Binigyang-diin din ni Gatchalian ang kakulangan ng mga daycare center sa maraming bahagi ng bansa bilang isang pangunahing hamon sa early childhood education.

Sa kabila ng mandato ng Republic Act 6972 na nag-uutos sa bawat barangay na magkaroon ng daycare center, natuklasan sa EDCOM II report na 5,822 barangay pa rin ang walang ganitong pasilidad.

Dahil sa kakulangan ng daycare centers, maraming bata ang hindi nakakabahagi sa Early Childhood Care and Development (ECCD) programs, dahilan upang mawalan sila ng maagang oportunidad sa structured learning.

Dahil dito, isinusulong ni Gatchalian ang pagpasa ng Early Childhood Care and Development Act (Senate Bill No. 2575) na naglalayong palawakin ang National ECCD System at tiyakin ang universal access sa de-kalidad na early education.

Sa ilalim ng panukalang batas, inaatasan ang lahat ng local government units (LGUs) na magtayo ng CDCs sa bawat barangay upang matiyak na lahat ng batang wala pang limang taong gulang may access sa mga learning facilities.

Sinabi ng senador na ang paglutas sa malnutrisyon at pagpapalawak ng daycare centers mahalagang hakbang upang matiyak ang isang matibay na pundasyon para sa mga batang mag-aaral.

Ipinunto rin niya na ang pamumuhunan sa early childhood education may pangmatagalang benepisyo kabilang ang mas mataas na literacy rates.

Tiniyak ni Gatchalian na makikipagtulungan siya sa mga policymaker at education stakeholders upang maisulong ang mga repormang magbibigay sa bawat batang Pilipino ng tamang nutrisyon at sapat na suporta sa early learning upang matiyak ang kanilang tagumpay sa hinaharap.