PNP Brig. Gen. Bernard R. Yang, hepe ng PNP-ACG

Kelot tiklo sa ‘sextortion’ ng PNP-ACG

Alfred Dalizon Feb 1, 2025
11 Views

ISANG 43-taong-gulang na lalaking may asawa ang inaresto ng mga undercover agent ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa isang entrapment operation sa Mandaluyong City, ayon sa hepe ng yunit na si Brigadier General Bernard R. Yang nitong Martes.

Kinilala lamang ang suspek bilang “Don” na nahaharap ngayon sa mga kasong kriminal dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 11313, o ang Safe Spaces Act, at Article 286 ng Revised Penal Code para sa grave coercion, na may kaugnayan sa RA 10175, o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Ayon kay Yang, humingi ng tulong ang biktima mula sa Eastern District Anti-Cybercrime Team matapos makilala ang akusado sa isang online dating site.

Nagkaroon umano ng romantikong relasyon online ang dalawa kung saan nagpalitan sila ng mga maseselang larawan at video.

Ngunit nang magdesisyon ang babae na tapusin ang kanilang relasyon, nagsimula raw ibahagi ng suspek ang mga maseselang larawan niya sa pamilya at mga kaibigan nito.

Pinilit din umano siyang makipagkita muli para sa sekswal na relasyon bilang kondisyon para tumigil ang suspek.

Pumayag ang biktima bilang bahagi ng entrapment operation. Itinakda ng suspek ang kanilang pagkikita at lugar nang hindi alam na naroon na ang mga undercover PNP-ACG agent upang siya ay arestuhin.

Sinabi ni Yang na ang pagkakaaresto sa suspek ay bahagi ng patuloy na kampanya ng PNP-ACG para sa mas ligtas na digital environment, bilang pagsunod sa utos ni PNP chief General Rommel Francisco D. Marbil.

Hinimok din ng opisyal ang publiko na agad i-report ang mga ganitong insidente.

“If you or someone you know is a victim of sextortion, report it immediately so we can take swift and appropriate action,” aniya.