Just In

Calendar

February 2025
M T W T F S S
 12
3456789
10111213141516
17181920212223
2425262728  
HIV File photo ni DENNIS ABRINA

Paglahok ng magulang vs maagang pagbubuntis, HIV hinihikayat

15 Views

ISINUSULONG ni Senador Sherwin Gatchalian ang aktibong pakikilahok ng mga magulang at mga local government units (LGUs) upang matugunan ang mga kaso ng maagang pagbubuntis at human immunodeficiency virus (HIV) sa bansa.

Ipinanawagan ni Gatchalian ang ganap at epektibong pagpapatupad ng Parent Effectiveness Service (PES) Program Act (Republic Act No. 11908) na siya ang may akda. Sa ginawang pagdinig sa pagpapatupad ng comprehensive sexuality education (CSE) ng Department of Education (DepEd), binigyang diin ni Gatchalian na dapat manguna ang mga magulang sa pagtuturo sa mga bata upang maprotektahan sila sa mga pinsalang dulot ng “risky behaviors” o mga mapanganib na kilos.

Bagama’t bumaba ang mga kaso ng pagbubuntis sa mga may edad na 15 hanggang 19, lumalabas sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pag-akyat ng datos ng maagang pagbubuntis sa mga may edad na 10 hanggang 15. Mula 1,629 noong 2013, dumoble sa 3,342 ang bilang ng mga nabubuntis sa age group na ito.

Naaalarma rin si Gatchalian sa datos ng Department of Health (DOH), kung saan lumalabas na ang average ng mga bagong kaso ng HIV kada buwan ay umakyat sa 1,470 sa unang anim na buwan ng 2023. Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso, 34,415 (29%) ang mula sa mga kabataang may edad 15-24.

“Kailangan nating tutukan ang pakikilahok ng mga magulang. Hindi lang tayo dapat nagsasagawa ng mga pagpupulong, dapat hinihikayat din natin silang kumilos,” ani Gatchalian.

“Naniniwala akong ang pakikilahok ng mga magulang ang isa sa mga paraan upang masugpo ang maagang pagbubuntis. Kapag pinakilos natin ang mga magulang, mapapaigting natin ang kanilang kaalaman sa mga isyung ito, pati na rin ang kanilang kakayahan kung paano talakayin ang mga isyung ito sa kanilang mga anak,” dagdag na pahayag ni Gatchalian.

Upang maipatupad ang PES Program, binigyang diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng ugnayan sa pagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), DepEd, at Parent-Teacher Associations (PTAs). Iminungkahi ni Gatchalian na makipag-ugnayan ang DSWD sa mga PTAs upang ipamahagi ang mga modules na ginawa ng ahensya sa ilalim ng PES Program. Ang DSWD ang pangunahing ahensyang nagpapatupad ng PES Program.

Itinatag ng batas ang PES Program upang matulungan ang mga magulang at mga parent substitutes sa pagpapaigting ng kanilang kaalaman at kakayahang gabayan ang kanilang mga anak. Layon din ng naturang batas na protektahan ang karapatan ng mga bata, isulong ang positibong early childhood development, at isulong ang kanilang pag-unlad sa edukasyon. Sa ilalim ng batas, ipapatupad ang PES program sa bawat lungsod at munisipalidad.