Calendar
Pananakot ng Tsina binira sa PH Security Forum
ANG lumalawak na impluwensya at agresibong mga hakbang ng China na mistulang banta umano sa buong mundo ang naging sentro ng matinding pagsusuri sa 27th Parliamentary Intelligence-Security Forum (PI-SF) na ginanap sa Maynila nitong Lunes.
Nagbabala ang isang eksperto sa seguridad at mga mambabatas mula sa Estados Unidos kaugnay ng tumitinding agresyon ng militar, ekonomikong pamimilit, at lihim na pakiki-alam ng Beijing sa mga demokrasya sa buong mundo.
Tampok sa forum na ginanap sa Kamara de Representantes sa Batasan Complex, Quezon City ang matitinding kritisismo mula kina dating US Congressman Robert Pittenger, US Senator Bill Cassidy, at dating Deputy National Security Advisor Matt Pottinger.
Inakusahan nila ang Chinese Communist Party (CCP) ng pagpapahina sa pandaigdigang kaayusan sa pamamagitan ng ekonomikong panlilinlang, panghihimasok sa politika at pagpapalawak ng kanilang militar.
Ayon kay Pittenger, ang founder ng PI-SF, ang China ay pangunahing tagasuporta ng mga awtoritaryanong rehimen.
“We have many challenges in the world today, spawned in large part by the nemesis in this region—China,” ani Pittenger. “For each of those threats and challenges we have, much of their commitment, their support, their investment comes from China. We all understand that.”
Binigyang-diin niya ang ugnayang ekonomiko at militar ng China sa Iran, Hilagang Korea at Russia, na nagpapalakas ng mga sigalot at nagbibigay-lakas sa mga lider awtoritaryan.
Pinuna rin niya ang paggamit ng China ng cyber warfare, ekonomikong pangingikil at mga iligal na financial network upang magkaroon ng politikal na kontrol sa mga mahihinang bansa.
“This mission began 10 years ago with the sole purpose of providing information so that you could make good decisions,” saad ni Pittenger kasabay ng paghimok sa mas pinaigting na palitan ng impormasyon at economic penalties laban sa Beijing.
Sa isa namang video message, tahasang sinabi ni Cassidy na ginagamit ng Beijing ang korapsyon para pabagsakin ang mga demokrasya.
“One of the main reasons we’re at odds with China is because they do not respect international rules, principles or norms. The values that every freedom-loving people in society accept, they disregard,” sabi niya.
Ibinabala niya ang paggamit ng China sa ibang foreign leaders sa pamamagitan ng iligal na insentibong pangpinansyal na nauuwi sa pagiging economically dependent.
“The CCP targets vulnerable nations, offering investments in infrastructure and development projects, only to later weaponize them as leverage for geopolitical control,” dagdag niya.
Tinuran din ni Cassidy na pangunahing target ng China ang Pilipinas sa kanilang expansionist tactics.
Partikular dito ang iligal na panghihimasok sa West Philippine Sea (WPS), militarisasyon sa mga artipisyal na isla at panggigipit sa mga mangingisdang Pilipino na ikinagalit ng bansa.
Tinukoy din niya ang malawakang paggamit ng debt-trap diplomacy ng China, na minanipula ang mga pamahalaan sa Africa, Latin America at Southeast Asia sa pamamagitan ng mga malalaking pautang para sa proyektong pang-imprastraktura.
“There would never be a war with China that the Philippines would be unable to win,” pahayag ni Cassidy, kasabay ng pagbibigay diin sa pagpapalakas ng alyansang pandaigdig laban sa pagiging agresibo ng China.
Inilarawan ni Pottinger ang estratehiya ng China tulad ng isang tahimik na Cold War na gumagamit ng pagpapakalat ng maling impormasyon, pagdepende sa ekonomiya at pananakot gamit ang military para mapabagsak ang pagpapahalaga sa demokrasya.
“For too long, we have indulged the fantasy that economic engagement would liberalize China. Instead, Beijing has exploited, outmaneuvered and undermined democracies to serve its authoritarian ambitions,” aniya.
Tinuligsa ni Pottinger ang paghawak ng China sa COVID-19 lalo na sa ginawa nitong pagtatakop sa naging outbreak sa Wuhan na nauwi sa pandaigdigang kapahamakan.
Kinondena rin niya ang pagnanakaw ng China sa intellectual property, mapanirang polisiyang pangkalakalan at paninira sa kalikasan bilang pinakanangungunang polluter sa mundo.
Ibinabala rin niya ang koneksyon ng China sa mga bansang awtoritaryanismo, partiklar ang kasunduan kasama kay Vladimir Putin bago giyerahin ng Russia ang Ukraine.
Inakusahan din niya ang China ng pagpapalakas sa militar ng Moscow habang naghahanda sa posibleng pag-aksyon ng kanilang militar laban sa Taiwan.
Kaya panawagan ng mga tagapagsalita na kagyat na umaksyon laban sa impluwensya ng China.
Hinimok ni Pottinger ang mga demokratikong bansa na palakasin ang pagpigil sa military sa Indo-Pacific, harangin ang access ng China sa Western technology at kapital, ipagbawal ang mga plataporma na kontrolado ng CCP gaya ng TikTok at WeChat, at patatagin ang alyansang pang-ekonomiya at politikal laban sa panggigipit ng Beijing.
“Beijing’s messaging is carefully crafted deception: a public call for peace, while covertly fueling war,” babala niya.
Binigyang-diin naman ni Cassidy ang pangangailangan sa pinalakas na polisiya laban sa korapsyon, at paghimok sa mga democratic leaders na huwag papalinlang sa mga mapangakit na ekonomiya at isiwalat ang kanilang impluwensya sa mga operasyon.
“It is not enough to simply denounce corruption. We must take concrete action to punish those who engage in it and ensure that governments and institutions are held to the highest standards of transparency and accountability,” sabi pa niya.
Habang dumarami ang tumutuligsa sa agresibong polisiya ng China, maraming bansa na rin ang nagpapalakas ng kanilang seguridad at alyansang pangmilitar para mapigilan ang pagpapalawak ng Beijing.
Nitong Disyembre 2024, ang Pilipinas, United States, Japan at Australia ay nagdaos ng magkasamang naval drill sa South China Sea na direktang tugon sa maritime aggression ng China.
Diin ni Cassidy na hindi maaaring maantala ang pag-aksyon laban sa mga ambisyon ng China.
“Let us have the resolve to resist the perpetual temptations our enemies place before us,” aniya.
Ang PI-SF, na isa sa mga plataporma kung saan nagsasama-sama ang mga mambabatas para talakayin ang mga intelligence, security at banta sa ekonomiya, ay may mahalagang papel sa pagpapalakas ng ugnayang multilateral laban sa mga papausbong na hamong pandaigdig.
Dahil ang Pilipinas ang host ng forum ngayong taon, nakatuon ang diskusyon sa Indo-Pacific region kung saan matatagpuan ang economic powerhouse gaya ng China, Japan, India at South Korea, at ang sentro ng mga hindi pa nasosolusyunang labanan at strategic rivalries.