Just In

Calendar

February 2025
M T W T F S S
 12
3456789
10111213141516
17181920212223
2425262728  
Magsasaka Magsasaka Party-list nominee Lejun dela Cruz

Nominee ng Magsasaka party-list naaresto sa 2 kasong murder

Alfred Dalizon Feb 3, 2025
16 Views

ISANG dating commander ng Alex Boncayao Brigade (ABB), isang breakaway group ng New People’s Army (NPA), na wanted sa dalawang kaso ng murder ang naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) matapos makipagbarilan sa mga pulis at tangkang tumakas gamit ang kanyang sasakyan.

Sa kanyang pagtakas, nabangga niya ang apat na sasakyan at isang motorsiklo, at malubhang nasugatan ang isang pulis.

Si Lejun dela Cruz, na ngayon ay nominee ng Magsasaka Party-list, ay naaresto batay sa warrant of arrest na inilabas ng Las Piñas City Regional Trial Court noong Abril 27, 2018, ayon kay PNP spokesperson Brigadier General Jean S. Fajardo.

Mariin ding itinanggi ni Fajardo ang mga alegasyon mula sa kampo ni dela Cruz at mga militanteng grupo na in-ambush umano ng mga pulis ang suspek bago ito binugbog ng tatlong oras.

“There’s no truth to those claims. What happened is that when he (dela Cruz) noticed the presence of the policemen about to arrest him, he ran to his vehicle, fired shots at the officers and drove away prompting the lawmen to give chase,” paliwanag ni Fajardo.

Ayon sa PNP spokesperson, habang tumatakas, nabangga ni dela Cruz ang apat na sasakyan at isang motorsiklo bago siya napaligiran at naaresto ng mga pulis.

Narekober mula sa kanya ang isang hindi lisensyadong kalibre .45 semi-automatic pistol.

“There’s no truth to reports that there was an assassination attempt. On the contrary, siya po ang naunang nagpaputok, nanagasa at may pulis na may fractured pelvic as a result,” diin ni Fajardo.

Dagdag pa ng opisyal, naka-sibilyan ang mga operatiba na sumugod upang hulihin ang suspek dahil undercover operation ito. Gayunpaman, may mga naka-unipormeng pulis na nagsilbing backup.

“Pinili po niyang tumakbo at magpaputok. Good thing is at the end of the chase, nahuli din siya and he was immediately informed of his Miranda Rights,” sabi ni Fajardo.

Dahil sa kanyang ginawa, haharap si dela Cruz sa karagdagang mga kaso kabilang na ang paglabag sa Republic Act (RA) 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act of 2013, frustrated homicide, multiple malicious mischiefs, at paglabag sa Omnibus Election Code o gun ban.

Kinilala rin si dela Cruz bilang dating miyembro ng ABB na umano’y sangkot sa gun-for-hire activities. Siya ngayon ay nakakulong sa Marikina police lockup facility.

“We are appealing to others who are facing warrants of arrest to respect our police officers. Sagutin na lang nila sa tamang proseso ang lahat,” dagdag ni Fajardo.

Samantala, sinabi ng abogado ni dela Cruz na nakita nila ang kliyente matapos mawala ito noong nakaraang Linggo matapos bisitahin ang isang kaibigan sa Cainta, Rizal.

Ayon sa abogado, habang papaalis na si dela Cruz, may lalaking nakamotorsiklo na umano’y nagpaputok ng dalawang beses sa kanya kaya napilitan itong magmabilis habang tinutugis ng mga lalaki na sakay ng motorsiklo at kotse.

Nakorner si dela Cruz at na-posasan sa Manggahan, Pasig City. Ayon sa kanyang abogado, binugbog umano siya ng halos tatlong oras.

Sinabi naman ng mga tagasuporta ng suspek na posibleng politically motivated ang insidente at isang paraan ng harassment laban sa kanilang grupo.