Calendar
FFF nagbabala sa epekto ng food emergency sa kita ng magsasaka
SUPORTADO ng Senado ang plano ng Department of Agriculture (DA) na ideklara ang isang national food security emergency upang mapababa ang presyo ng bigas at makatulong sa pagpigil ng tinatawag na inflation.
Gayunpaman, nagpahayag din ng pangamba ang Federation of Free Farmers (FFF) na maaaring makaapekto ito sa kita ng mga lokal na magsasaka.
Sa ilalim ng panukalang ito, ilalabas ng National Food Authority (NFA) ang buffer stock nitong halos 300,000 metric tons ng bigas upang ibenta sa mas mababang presyo sa pamamagitan ng mga local government unit (LGU) at Kadiwa stores.
Nauna rito ay nagbabala naman ang FFF na kung ibebenta ang NFA rice sa halagang P38 kada kilo, maaaring umanong mapilitan ang mga negosyante na bilhin ang palay mula sa mga magsasaka sa halagang P19 kada kilo, na anila’y hindi sapat upang matugunan ang gastusin ng mga magsasaka.
Bagamat kinikilala ang mga pangambang ito, sinabi ng Senado na maaaring gawin ang mga kinakailangang pagbabago sakaling may mga hindi inaasahang negatibong epekto.