Calendar
Huwag gawing sugal ang pagpili ng lider
WALANG magandang maidudulot sa sambayanang Pilipino, kung patuloy na ituturing na sugalang pang-kalye at casino ang halalang pampanguluhan ng bansa, na sa halip na tumaya sa pinaka-kwalipikado ay naeengganyo ang mga tao na sumugal sa inaakala nilang llamado ngunit magpapatalo sa kanila.
Ito ang paalala ng tagapagsalita ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson na si dating party-list representative Ashley ‘Ace’ Acedillo sa mga botante, lalo na ang mga hindi pa rin buo ang desisyon, upang magabayan sila sa tamang pagpili ng pangulo sa darating na halalan sa Mayo 9, 2022.
“Huwag po tayong mag-isip na para po tayong tayang sugarol na dapat tumaya tayo doon sa siguradong mananalo. Ang pagboto po natin ay hindi po (gaya ng) taya sa sugal. Ang pagboto po natin ay naaayon dapat sa ating prinsipyo,” pahayag ni Acedillo.
Sa panayam ng DZRH kay Acedillo ngayong Biyernes (Abril 29), sinabi niya na kung sa ordinaryong sugal ay hindi nawawala ang posibilidad na matalo ang mga inaakalang panalo, ganoon din dapat ang isipin ng mga Pilipino sa kanilang pagboto ngayong Halalan 2022.
“Sinasabi natin hindi masasayang ang boto ng taumbayan sa dalawang pinaka-kwalipikado at sa dalawang pinaka-eksperyensyado at ‘di hamak na may integridad na dalawang lider natin. Siyempre, for president nandyan po si Ping Lacson, and for vice president, no less than our Senate President Tito Sotto,” dagdag ng tagapagsalita ni Lacson.
Kumpiyansa ang spokesperson na kung ikukumpara sa ibang mga tumatakbong presidentiable tandem, sina Lacson at Sotto na ang nakakalamang. “To be quite fair and to be quite frank, kung titingnan po talaga natin, kung experience-wise, integrity-wise and track record-wise, wala na talagang tatalo dito sa tandem ng Lacson-Sotto,” aniya.
Ibinigay niyang halimbawa ang polisiyang ‘leadership by example’ ni Lacson sa pagdisiplina sa kapulisan nang pamunuan niya ang Philippine National Police (PNP) simula 1999 hanggang 2001 dahil sa paraang ito niya napatino ang mga pasaway na alagad ng batas.
“The PNP enjoyed its highest approval rating ‘nung kanyang in-address ‘yung issue about inept, corrupt, and undisciplined policemen,” ayon kay Acedillo na itinuturing ang hanay ng kapulisan na sa isa mga pinakamahirap na ireporma noon hanggang ngayon.
Binigyang-diin din niya na hindi dapat gawing reyalidad ang anggulong ipinapakalat na dalawang presidentiable na lang diumano ang maglalaban sa araw ng eleksyon. Aniya, “Pilit po nating nilalabanan ‘yang narrative na ‘yan dahil that is not what the ground feedback is telling us.”
Salungat umano ang propagandang ito sa patuloy na suportang natatanggap ni Lacson na habang papalapit ang eleksyon ay mas nararamdaman na. “Marami pong sumusuporta pa rin. Dati nga sabi tahimik lamang sila. But now, they have made it a point to be heard, to be seen, and to be felt,” sabi ni Acedillo.
“So, binabasag po natin ‘yung narrative po na ‘yan. Hindi lamang po sa dadalawang kandidato ang eleksyong ito, may iba pa pong alternatibong kandidato na nandiyan po at mas kwalipikado ‘di hamak,” saad pa ng tagapagsalita ni Lacson sa nasabing panayam.