Hearing TRI-COMM HEARING – Si House committee on public order and safety chairman Rep. Dan Fernandez ay nag-preside sa tri-committee joint investigation sa fake news at malicious contents sa social media, Martes sa Nograles Hall ng House of Representatives. Kasapi rin ng tri-comm ang committees on information and communications technology kung saan si Rep. Johnny Pimentel ang chair at public information na pinamumunuan ni Rep. Jose “Joboy” Aquino. Kasama rin nila si Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. Kuha ni VER NOVENO

Gobyerno dapat umaksyon laban sa nagkakalat ng fake news, ‘traydor ng bayan’

18 Views

NAGKAISA ang mga mambabatas na talakayin ang laganap na pagkalat ng disinformation at fake news sa social media.

Sa ginanap na pagdinig ng House tri-committee noong Martes, ipinahayag ng mga mambabatas ang matinding pagkabahala sa paggamit ng digital platforms bilang armas, ang pag-usbong ng organized troll networks, at ang pangangailangan ng aksyon ng gobyerno upang ma-regulate ang paggamit ng social media.

Ang tri-comm—na binubuo ng House committee on public order and safety, information and communications technology, at public information—ay inatasan na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa pagkalat ng maling impormasyon sa social media.

Tiniyak naman ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na layunin ng imbestigasyon na tiyakin ang pananagutan sa digital space at hindi para limitahan ang kalayaan sa pagpapahayag.

“We are gathered here today not to silence voices, suppress free speech or curtail the constitutional right to freedom of expression. Instead, we are here to draw the line between responsible discourse and the deliberate, systematic abuse of digital platforms to spread lies, destroy reputations, and manipulate public perception,” saad nito.

Nanawagan si Barbers na magkaroon ng regulasyon sa social media, katulad ng mga pamantayang ipinatutupad ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) sa broadcast media.

“Our goal is to develop a code of conduct for content creators, ensuring accountability and ethical responsibility in this rapidly evolving digital space,” paliwanag ng kongresista.

Binibigyang-diin pa ni Barbers ang lumalakas na impluwensya ng mga troll, vlogger at iba pang mapanirang grupo na ginagamit ang social media upang magpakalat ng disimpormasyon at manira ng mga pampublikong personalidad.

“In recent years, we have witnessed the alarming rise of trolls, vloggers and malicious online actors who, under the guise of exercising free speech, systematically spread fake news and engage in character assassination,” saad nito.

Nagbabala pa ito na karamihan sa aktibidad na ito ay pinopondohan at konektado sa iligal na gawain.

“The sources of funding for these operations remain in the shadows—possibly linked to illicit activities such as POGO (Philippine offshore gaming operator) operations or criminal syndicates,” aniya.

Nangangamba rin si Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez hinggil sa epekto ng maling impormasyon sa kalusugan ng publiko at personal na seguridad. Inihalimbawa niya ang COVID-19 pandemic kung paanong ang pekeng balita ay maaaring magdulot ng panganib sa buhay.

“Ang masamang epekto ng disinformation at misinformation ay lalong umalingawngaw sa gitna ng isang global crisis sa ating kalusugan noong panahon ng COVID-19 pandemic, kung saan talamak ang paglabas ng mali-maling impormasyon sa internet,” saad pa nito.

Binanggit din ni Fernandez na ang mga cybercrime ay naging mas laganap kaysa sa mga karaniwang krimen, na nakaapekto sa maraming Pilipino.

“Sino rito ang nabiktima ng scam o may kilalang nabiktima ng scam? Malamang lahat din tayo. Dahil sa social media, ang cybercrimes ngayon ay maituturing na natin na mas madalas pang mangyari sa buhay ng isang karaniwang tao kesa sa mga common crimes,” wika pa ng mambabatas.

Ayon pa kay Fernandez, isa pang lumalalang isyu ay ang pag-usbong ng toxic na pag-uugali at cyberbullying, lalo na sa mga kabataang menor de edad.

“Our children start to experience self-hate and resort to self-harm. Bagamat sinusubukan na matugunan ang mga insidente ng cyberbullying, ito pa rin ay maaaring maging sanhi ng depression, suicidal thoughts at iba pang mga long-term negative effect sa ating mental health,” babala pa nito.

Mariin din niyang kinondena ang mga troll na aktibong nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa West Philippine Sea (WPS) at kinukwestyon pa ang kanilang katapatan sa bansa.

“Mismong ang paggiit ng ating pagmamay-ari ng West Philippine Sea ay apektado sa paglaganap ng kasinungalingan sa socmed. Ika nga ni Justice Antonio Carpio, ang pag-aangkin ng China sa West Philippine Sea ay maituturing na ‘fake news of the century.’ Ang mga Pinoy na trolls naman na nagpapalaganap ng maling impormasyon tungkol dito, pwede ba nating ituring bilang mga traydor ng bayan?” tanong pa ng kongresista.

Binigyang-diin naman ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., sponsor ng House Resolution (HR) No. 286, ang kapangyarihan at panganib ng social media, na aniya’y may kakayahang mag-ugnay ng mga komunidad ngunit maaari rin itong magkalat ng mga mapanirang impormasyon.

“Social media bridges gaps: pinag-uugnay nito ang mga tao; bumubuo ito ng mga komunidad; nagpapalawak ng kamalayan; at nagsusulong ng pagbabahagi ng kaalaman,” saad nito.

Binanggit pa ni Gonzales ang mga kamakailang pag-aaral na nagpapakita ng dami ng mga Pilipinong naaapektuhan ng mga nilalaman ng social media kada araw.

“According to an online article by DataReportal, the Philippines was home to 86.75 million social media users in January 2024, equating to 73.4 percent of the total population,” pahayag pa ng mambabatas.

Aniya, ang Facebook pa rin ang pinakamadaling ma-access na platform, kung saan ang ilang mga mobile network ay nag-aalok ng libreng data access sa nasabing site.

Gayunpaman, nagbabala si Gonzales na habang may mga positibong gamit ang social media, ito rin ay naging daluyan ng hate speech, cyberbullying at misinformation.

“We all experience browsing our social media platforms and more often, we come across racist, sexist, homophobic, religious and political-based hate contents,” wika nito.

Upang tugunan ang mga isyung ito, layunin ng HR 286 na mapabuti ang mga mekanismo ng transparency at pananagutan para sa mga social media platform.

“Most especially, it calls for an enhanced content moderation, reporting systems and safeguards against misuse of algorithms,” paliwanag ni Gonzales.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangan ng mas pinabuting mga programa sa digital literacy at ang pagsusuri sa Republic Act No. 10175, o ang Cybercrime Prevention Act ng 2012, upang masugpo ang mga bagong banta dulot ng digital misinformation.

Nagbigay naman si Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ng maingat ngunit matatag na pananaw sa regulasyon ng social media, kinikilala ang mga positibong epekto at dulot nitong panganib.

“Social media has transformed how we communicate and access information. Yet, this same platform has become a fertile ground for the rapid dissemination of falsehoods and misleading narratives,” ayon sa kongresista.

Ipinunto ni Pimentel na kinakailangan ng pagkakaroon ng balanse sa pagitan ng paglaban sa fake news at pagtatanggol sa malayang pagpapahayag, kaya’t dapat mag-ingat ang Kongreso sa paggawa ng mga batas na titiyak ng pananagutan habang pinapangalagaan ang mga demokratikong kalayaan.

“As lawmakers, our role is not only to understand the scope and nature of this phenomenon but also to consider our responsibility in creating a framework that protects the integrity of information while respecting the fundamental principles of free speech,” ayon pa rito.

Binanggit din niya ang mga mahahalagang katanungan na kailangang sagutin ng mga mambabatas sa pagbuo ng mga epektibong polisiya.

“We must ask ourselves: what constitutes fake news? How can we differentiate between misinformation and legitimate debate? What role should social media companies play in monitoring and curbing the spread of false information?” ayon kay Pimentel.

Sinabi naman ni Agusan del Sur Rep. Jose “Joboy” Aquino II na ang bilis at lawak ng pagkalat ng disimpormasyon sa digital age ay isa ng usapin sa pambansang seguridad.

“In today’s digital era, its speed and impact are unprecedented, which compels us to address this head-on. Intentionally misleading information poses significant risks to our society—undermining public trust, threatening public safety and influencing public opinion,” giit pa nito.

Nagkakaisa ang mga mambabatas na ang fake news ay isang lumalalang banta sa bansa na nangangailangan ng agarang aksyon.

Nagbabala si Barbers na kung hindi ito mapigilan, maaaring magpatuloy ang pagkawala ng tiwala sa mga institusyon ng pamahalaan at magdulot ng panganib sa demokrasya ng bansa.

“If we continue to ignore this growing problem, we are failing the people we have sworn to protect,” ayon pa kay Barbers.