Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers

Barbers binatikos mga vloggers na di sumipot sa Tri Comm hearing

Mar Rodriguez Feb 4, 2025
84 Views

BINATIKOS ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers nitong Martes ang ilan sa mga social media personality na hindi sumipot sa pagdinig sa House Tri Comm kaugnay sa fake news at online disinformation kasabay ng hamon sa mga ito na dalhin ang kanilang tapang sa tamang forum.

“Wag po kayong magtago sa mga ganyan, ang tatapang ninyo … in the advent of social media, suddenly Filipinos become political analysts, they become journalists, they become experts. They believe their wisdom. Kayo ang galing ninyong magtuligsa eh. Dito ninyo dalhin,” sabi ni Barbers na tinuligsa ang mga piniling hindi humarap sa pagdinig.

Sinegundahan ni House Committee on Public Order and Safety Chairman at Laguna Rep. Dan Fernandez ang posisyon ni Barbers at sinabi na ang pagiwas ng naturang mga personalidad ay lalo lang naglalagay ng pagdududa sa kanilang kredibilidad at motibo.

“Wag po kayong magtago sa mga ganyan, ang tatapang ninyo,” ani Fernandez.

“Kayo ang galing ninyong magtuligsa eh. Dito ninyo dalhin, para ng sa ganun makagawa tayo ng isang polisiya, na hindi maabuso ito.”

Nagpalabas ng show cause order ang House Tri Comm, na binubuo ng House Committees on Public Order and Safety, Information and Communications Technology, at Public Information, laban kina dating Presidential Communications Operations Office (PCOO) chief Trixie Cruz-Angeles, at mga social media influencers na sina Elizabeth Joie Cruz (Joie De Vivre), Krizette Lauretta Chu, Mark Anthony Lopez, Jun Abines Jr., Dr. Richard Tesoro Mata, Aaron Peña, Suzanne Batalla (IamShanwein) at Ethel Pineda sa kanilang pagtanggi na dumalo sa pag-dinig.

Binigyang diin ni Barbers na ang pagdinig ay hindi layong sikilin ang kalayaan sa pagpapahayag bagkus ay para lang maka buo ng mga regulasyon para sa pagkakaroon ng pananagutan at ethical na paggamit ng social media.

“Eto pong hearing na ito ay hindi para kitilin o i-suppress yung freedom of speech nila. Wala ho kaming ganung layunin. Ang layunin po natin dito ay gawan ng polisiya ang paggamit ng social media platforms,” paglilinaw niya

Giit pa niya ang pangangailangan sa disiplina at ethical responsibility sa digital spaces gaya nag tradisyunal na media na mayroong regulasyong sinusunod.

“Dapat po meron tayong disiplina, meron tayong code of conduct, meron tayong ethics sa paggamit nitong social media. Hindi yung pagbukas mo ng social media, magmumura ka,” saad niya

Kinuwestyon din ng mambabatas ang dahilan ng mga hindi dumalo at kanilang pagtanggi na makibahagi sa isang bukas at hayag na talakayan.

“Kaya kayo inimbita dito para makapagpahayag din kayo. Hindi po ba iyan ang tamang freedom of expression? Eh bakit kayo nagpapadala ng mga sulat na hindi kayo pupwede kasi hindi kayo naniniwala sa layunin ng pagdinig na ito?” tanong niya.

Hindi nagpigil si Barbers sa pagkondena sa mga vloggers at influencers na ginagamit nag kanilang plataporma para maghasik ng kaguluhan.

“Meron diyan nagso-social media, nagba-vlog, walang ginawa araw-araw kundi manawagan ng kaguluhan sa ating bansa. Nananawagan ng people power, nananawagan ng kudeta, yun ba ay tama, Mr. Chair?” dagdag pa niya

Itinanggi rin niya ang paratang ng ilan na labag sa Konstitusyon ang ginagawang pag-dinig at hind ianiya dapat sila nagtatago sa likod ng freedom of speech para magpakalat ng maling impormasyon at kawalan ng pananagutan.

“Wag nyo pong lokohin ang taong bayan. Wala pong curtailment o suppression ng freedom of speech dito. Kaya nga kayo inimbita dito eh. Kaya kayo inimbita dito para makapagpahayag din kayo,” sabi pa niya.