Calendar
Magna Carta para sa BHWs napapanahon
NAPAPANAHON ani Senate President Francis “Chiz” G. Escudero ang pagsasabatas ng mga benepisyo at insentibo para sa mga barangay health workers (BHW) na aniyay angkop na pagkilala sa kanilang mahalagang papel bilang katuwang ng pamahalaan sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa antas ng komunidad.
Ayon kay Escudero, isa sa mga may-akda ng Senate Bill No. 2838 o ang Magna Carta of Barangay Health Workers, nararapat lamang na bigyang-pugay ang dedikasyon ng mga BHW sa kabila ng kanilang pagiging boluntaryo sa kanilang tungkulin.
“There is no argument that our barangay health workers should be recognized and rewarded for being our health frontliners in our communities. We witnessed how they risked their lives as the first in line to take care of our sick during the COVID-19 pandemic, but they often get nothing in return as mere volunteers,” ani Escudero, matapos aprubahan ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukala noong Pebrero 3, 2025.
Sa ilalim ng panukala, ang mga rehistradong BHW ay makatatanggap ng buwanang honorarium na hindi bababa sa P3,000, habang ang mga certified BHW ay makakakuha ng hanggang P5,000.
Nakapaloob din sa panukala ang pagsusuri at pagsasaayos ng mga rate kada tatlong taon.
Kasama rin sa mga benepisyo ang transportation allowance, subsistence allowance para sa mga BHW na nagseserbisyo sa mga barangay na hindi kanilang tirahan, hazard allowance, insurance coverage mula sa Government Service Insurance System, health emergency allowance sa panahon ng public health emergencies, at cash gift tuwing Disyembre.
Para sa mga BHW na nakapaglingkod nang hindi bababa sa 15 taon, sila ay makatatanggap ng isang beses na dedicated service recognition incentive na hindi bababa sa P10,000 kapag sila ay umalis sa serbisyo.
Kasama rin sa mga benepisyo ang libreng serbisyong legal at priyoridad sa mga programang pangkabuhayan ng gobyerno.
“The bill also promotes career advancement for the BHWs. Most of them are volunteers, and not trained professionally, so we want to raise their status by providing them with opportunities to gain more knowledge and exposure, and develop new skills for their personal development,” ani Escudero.
Upang gawing propesyonal ang mga BHW, kinakailangang dumaan sila sa sertipikasyon ng municipal o city health boards. Upang makuha ang sertipikasyong ito, kailangang makumpleto ng isang BHW ang hindi bababa sa dalawang taon ng tuloy-tuloy na serbisyo sa lokalidad, pati na rin ang mga kursong pagsasanay hinggil sa kanilang mga tungkulin at responsibilidad na itinakda ng Department of Health (DOH).
Sakop din ng sertipikasyon ang iba pang kurso sa ilalim ng Education and Training Program na nakasaad sa panukala.
Ang mga certified BHW na nakapaglingkod nang tuloy-tuloy sa loob ng limang taon ay makatatanggap ng sub-professional eligibility.
Ang SBN 2838 ay pagsasanib ng mga panukalang inihain nina Senate President Escudero, Senators Alan Peter Cayetano, Juan Miguel Zubiri, Joel Villanueva, Robin Padilla, Bong Go, Ronald Dela Rosa, Loren Legarda, Grace Poe, Risa Hontiveros, Bong Revilla, Raffy Tulfo, Sherwin Gatchalian, Lito Lapid, at JV Ejercito, pati na rin ni dating Senador Sonny Angara.
Ipinapahayag din ng panukala ang Abril 7 bilang Barangay Health Workers Day bilang pagkilala sa kanilang serbisyo, sakripisyo sa panahon ng krisis, at mahalagang papel sa pagpapalaganap ng kalusugan at kagalingan sa mga komunidad.