Calendar
![Non](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/Non.jpg)
Ex-ERC commissioner binira sa rate reset mess ng NGCP, Meralco
KINONDENA ng mga mambabatas si dating Energy Regulatory Commission (ERC) Commissioner Alfredo Non sa pagkabigo nito na maglabas ng rate reset ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at Manila Electric Company (Meralco).
Ang naturang isyu ay ginagamit ngayon ng mga kritiko laban sa NGCP at Meralco kahit na ang ERC umano ang nabigo na maglabas ng rate reset.
Sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability, kinumpirma ni Non na nabigo ang ERC, noong siya ay nasa ahensya pa, na maglabas ng rate reset para sa transmission grid operator at pinakamalaking distribution utility sa bansa.
Binigyang-diin ni Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez sa pagdinig na ang ERC ang dapat sisihin sa kakulangan ng rate reset at hindi ang NGCP at Meralco, dahil ang mga ito ay regulated entities na sumusunod sa mga patakarang itinatakda ng regulator.
“The problem here is the ERC has failed to conduct a timely rate reset. We are barking at the wrong tree if we are faulting the regulated agencies—Meralco and NGCP,” ani Rodriguez.
Ikinalungkot din ni Rodriguez ang mga batikos na natatanggap ng Meralco kahit na ang ERC ang may kasalanan kaya walang naging rate reset. Sinabi ng solon na sumunod din ang Meralco sa desisyon ng ERC na magbigay ng P48 bilyong refund sa mga kustomer nito.
Samantala, kinuwestiyon ni Philippine Rural Electric Cooperatives Association Inc. (Philreca) party-list Rep. Presley De Jesus si Non sa pagkaantala ng rate reset proceedings at binigyang-diin na nagsimula ang problema noong panahon lamang ng dating commissioner.
“Seven years kayo, ni isang rate reset wala kayong nagawa?” tanong ni De Jesus kay Non.
Sa kanyang panig, pinuna ni Manila City 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr. si Non dahil sa kanyang dahilan na may “error” ang ERC.
Inamin ni Non sa pagdinig na walang rate reset para sa NGCP o Meralco sa kanyang pitong taon sa ERC dahil sa isang “error” bago pa man siya maging bahagi ng collegial body.
Samantala, inamin din ni Sta. Rosa Rep. Dan Fernandez, na matagal nang kritikal sa Meralco, na ang kakulangan ng rate reset ay nagmula sa kapabayaan ng ERC.