Mendoza

Mentalidad na ‘okay na’ iwaksi na — LTO

Jun I Legaspi Feb 5, 2025
27 Views

NANAWAGAN si Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II sa lahat ng opisyal at kawani ng ahensya na iwaksi ang tinatawag niyang “okay lang” na mentalidad sa pagtupad ng kanilang tungkulin, partikular sa pagbibigay ng maayos na serbisyo sa publiko at sa pagpapanatili ng kaligtasan sa kalsada.

Sa kanyang pagbisita sa LTO Cagayan Valley Region noong Martes, Pebrero 4, binigyang-diin ni Asec Mendoza na ang ganitong mentalidad ay salungat sa konsepto ng “Bagong Pilipinas” na isinusulong ni Pangulong Marcos, na naglalayong maghatid ng mabilis, tapat, at maginhawang serbisyo sa mga Pilipino.

“Tama na ang ‘okay lang.’ Magsimula tayo sa maliliit na bagay na kaya nating gawin nang maayos at epektibo sa tuwing tayo ay magtatrabaho,” ani Asec Mendoza.

Bilang patunay sa masamang epekto ng ganitong pag-iisip, binigyang-diin ni Asec Mendoza ang mga kaso ng hindi nagagamit na opisina at pasilidad ng LTO, gayundin ang kawalan ng disiplina at dedikasyon ng ilang kawani sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Sa mandato ng LTO na tiyakin ang roadworthiness ng mga sasakyan, binigyang-diin ni Asec Mendoza na may ilang kawani ng ahensya ang nakukuntento na lamang sa pagsunod sa pinakamababang pamantayan—at sa ilang pagkakataon ay isinasantabi pa ang tamang proseso.

“Kahit hindi magamit ang mga opisina at pasilidad na dapat kahit bago, okay lang kase hindi naman natin pera yan. Kahit hindi maayos ang vehicle inspection, okay lang kase hindi naman atin ang sasakyan at kung maaksidente man eh sila naman ang mapeperwisyo,” ani Asec Mendoza.

Aniya, ang ganitong mentalidad ang dahilan kung bakit maraming Pilipino ang mababang tingin sa mga empleyado ng gobyerno, na madalas ay ginageneralisa bilang tiwali at hindi epektibo sa kanilang tungkulin.

“Sa usapin ng roadworthiness inspection ng mga sasakyan, hindi tayo nag-aalala hangga’t hindi tayo apektado. Pero paano kung ang sasakyang hindi natin nasuri nang maayos ay masangkot sa isang aksidente na kinasasangkutan ng ating pamilya? Hindi ba’t masakit ‘yon?” ani Asec Mendoza.

“At kung hindi man tayo ang direktang naapektuhan sa aksidente, paano natin mababayaran ang buhay ng isang taong nasawi? Ang buhay ay mahalaga—hindi ito matutumbasan ng kahit anong halaga,” dagdag niya.

Ang pagpigil sa mga aksidente sa kalsada ay pangunahing adbokasiya ng LTO sa ilalim ng kampanyang Stop Road Crash, alinsunod sa direktiba ni DOTr Secretary Jaime J. Bautista na magsagawa at magpatupad ng mga hakbang upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada.

Dahil dito, hinimok ni Asec Mendoza ang lahat ng kawani ng LTO na gampanan ang kani-kanilang tungkulin nang may dedikasyon at tiyakin na natutugunan nila ang mga inaasahan ng publiko sa ahensya.

“Magtulungan tayo. Patunayan natin sa sambayanang Pilipino na karapat-dapat tayong tumanggap ng sahod na mula sa kanilang pinaghirapang pera,” ani Asec Mendoza.