Calendar
Protektor ni Alice Guo, POGO dapat managot — Sen. Risa
KASONG KRIMINAL ang isasampa ni Senator Risa Hontiveros laban sa mga opisyal ng gobyerno na may kinalaman sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at sa proteksyon kay Guo Hua Ping o Alice Guo.
Ang rekomendasyong ito ay nakapaloob sa Committee Report 514, na naglalaman ng mga natuklasan mula sa matagal nang imbestigasyon ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality hinggil sa human trafficking na dulot at pinalala ng mga POGO scam hub.
“Hindi mamamayagpag ang mga POGO o si Guo Hua Ping kung wala silang mga protektor sa gubyerno. There must be further investigation on the ties of POGO scam hubs to government officials. Kailangan ma-identify at mapanagot sila,” ani Hontiveros.
Inatasan ng Committee Report ang Bureau of Immigration (BI) na agad magsumite sa Senado ng ulat ukol sa mga repormang ipinatupad upang matugunan hindi lamang ang pagtakas ni Guo Hua Ping, kundi pati na rin ang napaulat na pagkakasangkot ng mga tauhan ng BI sa pagpasok ng mga POGO workers sa bansa at sa human trafficking ng mga Pilipino papunta sa ibang bansa upang magtrabaho sa mga scam compound.
“Napakatagal na na problema sa BI ang human trafficking pero hindi parin nasusugpo. Lumala pa nung pumasok ang mga POGO. Dapat totoong matugunan na nila ito,” ayon kay Hontiveros.
Inirekomenda rin sa ulat ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa pamemeke ng mga dokumento ng civil registry at iba pang identification documents.
“Kung may mga opisyal sa Philippine Statistics Authority o sa Securities and Exchange Commission na tumulong sa pagpepeke sa mga dokumento ng mga illegal POGOs, they should get more than a slap on the wrist. Ang dami nilang pinahamak,” ani ng senadora.
Isa rin si Sual Mayor Criseldo Calugay sa mga opisyal ng gobyerno na binanggit sa Committee Report, matapos mabunyag na ang kanyang sariling tauhan ay tumulong sa pagpapatibay ng affidavit ni Guo Hua Ping kahit wala ito sa harap ng notaryo.
“May mga balita na may mga lokal na pamahalaang talagang infiltrated na by POGO money. Dapat maimbestigahan at maparusahan sila. Kasi kung hindi, baka magpapatuloy lang ang mga POGO scam hubs nang hindi natin namamalayan,” ayon kay Hontiveros.
Binigyang-diin ng senadora na hindi pa tapos ang laban kontra POGO, lalo na’t nag-evolve na ang mga scam hub patungo sa mas maliliit na guerilla-style na operasyon. Nagbabala rin siya na may ilang dating POGO employees na inilipat sa mga casino, ngunit patuloy pa rin sa parehong ilegal na scam activities.
“Ang tanong ngayon: bakit nagpapatuloy? Bakit ang lakas talaga ng loob ng mga scammer na ito? Perhaps we are not strongly addressing one of the main roots of the problem: corrupted public officials. They should be punished to the highest degree. Kung hahayaan nating ang sindikato ay nakapalibot na sa loob ng gubyerno, kawawa nanaman ang Pilipino,” pagtatapos ni Hontiveros.