Calendar
Ping, Dra. Minguita nagbahagi ng mga paraan tungo sa maayos na kalusugan sa kabila ng pagtanda
KASAMA sa buhay ang pagtanda, pero hindi ibig sabihin nito ay pababayaan na natin ang kalusugan na maaaring maging sanhi ng iba’t ibang karamdaman at magpapabagal sa ating pagkilos, ayon kina presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson at senatorial aspirant Dra. Minguita Padilla.
Saglit na nalihis ang seryosong talakayan ng dalawang kandidato mula sa mga panlipunan at politikal na usapin para magbahagi ng ilang gabay tungo sa kagalingan ng mga nakakatanda sa nakalipas na pulong bayan nila sa Naga City, Camarines Sur nitong Biyernes (Abril 29).
Isa sa mga dumalo sa forum ay isang ginang na ginamit ang pagkakataon para idulog sa 62-anyos na si Dra. Padilla, kilala bilang tagapagtaguyod ng public health, ang nararamdaman niyang pananakit ng tuhod na posibleng dahil sa arthritis.
Ipinaliwanag ni Dra. Padilla ang iba’t ibang uri ng arthritis na maaaring maramdaman ng isang tao habang nagkakaedad. Kabilang sa sintomas nito ang panghihina ng mga kalamnan, hirap sa pagkilos, pananakit ng katawan at pamamaga ng mga kasukasuan.
Batay sa mga artikulong pang-medisina, may dalawang karaniwang uri ng arthritis, osteoarthritis at rheumatoid arthritis o “rayuma.” Ayon kay Dra. Padilla, ang huli ay maaaring maibsan sa pamamagitan ng regular na ehersisyo, pag-inom ng mas maraming tubig, at iba’t ibang klase ng therapy.
“Ganito ho para maiwasan. One is huwag masyadong mataas ang takong ng mga babae after (a) certain age. Number two, mag-exercise po tayo, maglakad po tayo. That’s the best way talaga na maiwasan ‘yung masasakit na tuhod,” payo ng beteranang oftalmologo at propesor.
“Kasi kung laging nakaupo ang hirap. Kasi para siyang mga makina na hindi mo madaanan ng grasa. Okay? So, iwasan po natin ‘yung masyadong sedentarytayo. Gumalaw po tayo kumilos po tayo. Huwag tayong maging sedentary,” paliwanag ni Dra. Padilla.
Dagdag pa ng senatorial aspirant, isa sa masayang paraan upang mapanatiling aktibo ang katawan ay ang pagsasayaw. Makakatulong din umano kung babantayan ng bawat indibidwal ang kanilang kinakain at pagkontrol sa pag-inom ng alak habang sila ay tumatanda.
“Kung pwede sumayaw, sumayaw—oo, totoo. Maglakad po tayo everyday para maiwasan ‘yung (rayuma). Tapos huwag masyadong kumain ‘nung mga matataas sa uric acid. Huwag (din) iinom masyado, katamtaman lang,” sabi ni Dra. Padilla.
Samantala, tulad ng kanyang binanggit sa mga naunang panayam, sinabi ni Lacson na kaya maganda ang kanyang pisikal at mental na kalusugan ay dahil sa kanyang aktibong pamumuhay at positibong pananaw sa buhay. Palagi rin umano siyang sumasailalim sa check-up para mapigilan ang mga sakit.
“Alam niyo, nagpapa-wellness ako taun-taon. Nahinto lang itong pandemya. Alam mo (ano) sabi ‘nung executive director ‘nung wellness clinic noong makita niya ang findings? Kasi dumaan ako sa treadmill, lahat, kung anu-ano. Sabi sa akin ‘Amazing,’” saad ng 73-anyos na senador.
“Ang body age ko, sabi ng doktor, 51 years old. So, ganoon, maski 70 years oldna kayo pero kaya ng inyong katawan, kaya ng inyong utak—utak ng 40 years old, utak ng 45 years old, utak ng 50 years old—hindi kayo madi-discriminate,” dagdag ni Lacson.
Sinagot din ng lingkod-bayan ang tanong hinggil sa pensyon ng mga senior citizen na tumungo rin sa talakayan hinggil sa pagtanda. Binigyang-diin ni Lacson na sa ilalim ng kanyang administrasyon, ipatutupad niya ang mga patakaran laban sa lahat ng uri ng diskriminasyon, lalo na pagdating sa edad.