Calendar
Kasinungalingan: Young Guns sinopla VP Sara sa pagtanggi na pinagbantaan ang Pangulo, FL
SINOPLA nina House Assistant Majority Leaders Pammy Zamora ng Taguig City, Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur at Jay Khonghun ng Zambales si Vice President Sara Duterte, kaugnay ng sinabi nito na hindi niya pinagbantaan ang buhay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ikinabahala nina Zamora, Adiong at Khonghun, mga lider ng Young Guns sa Kamara de Representantes, ang pagtanggi ni Duterte sa kanyang mga sinabi sa isang online press conference na mayroon siyang kinausap na papatay kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin Romualdez kapag mayroong nangyari sa kanya.
“May kinausap na ako na tao. Sinabi ko sa kanya, pag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta at si Martin Romualdez. No joke. No joke,” sabi ni Duterte sa naturang press conference. Ang video nito ay kumalat din sa social media.
Sa isang press conference naman noong Biyernes, itinanggi ni Duterte na pinagbantaan nito ang Pangulo.
“I did not make an assassination threat to the President. Sila lang nagsasabi niyan. Sila lang nagsasabing may assassination, may assassin, may gunman. I did not say that,” sabi niya.
Sinabi ni Zamora na ang biglaang pagbaliktad ni Duterte ay isang desperado at baluktot na pagtatangkang burahin sa isip ng publiko ang kanyang mga sinabi.
“VP Sara Duterte cannot lie her way out of this,” ayon kay Zamora. “Her own words prove that she talked to someone, an assassin or a hit man, and ordered the killing of the President, the First Lady and the Speaker of the House if anything happened to her. That is a direct admission of a criminal conspiracy, and now she wants to pretend she never said it?”
Para naman kay Adiong, ang mga pahayag ni Duterte ay dapat tingnan bilang seryosong banta sa pambansang seguridad at nangangailangan ng agarang imbestigasyon. Ito’y upang masagot ang maraming katanungan gaya ng:
1. Sino ang taong kinausap niya?
· Kung talagang nakipag-ugnayan siya sa isang mamamatay-tao, anong klase ng tao ang pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa na may kilalang ganitong uri ng mga tao?
· Nagbigay na ba siya ng mga utos na maaaring maglagay sa panganib sa buhay ng Pangulo, Unang Ginang at Speaker ng Kamara?
2. Bakit bigla niya ngayong itinatanggi ang kaniyang mga sinabi?
· Matapos magpadala sa emosyon at lantarang aminin na may kinontak siya upang magplano ng mga pagpatay, bakit niya ngayon pilit itinatanggi ang sarili niyang mga pahayag?
· Natatakot na ba siya sa mga maaaring legal na epekto ngayong may inihahaing impeachment complaint laban sa kanya?
3. Nagdadala ba siya ng panganib sa katatagan ng bansa?
· Sa isang Bise Presidente na hayagang nagsasalita sa mga planong pagpatay, dapat bang mag-alala ang mga Pilipino kung karapat-dapat siya sa posisyon?
· Dapat bang magsagawa ng imbestigasyon ang mga law enforcement agencies sa posibleng koneksyon niya sa mga tiwaling grupo na maaaring magpahina sa pambansang seguridad?
Binanggit ni Adiong na hindi ito ang unang pagkakataon na tinangka ni Duterte na iligaw ang publiko.
Aniya, makailang beses ng iniiwasan ng Bise Presidente ang pananagutan—mula sa pagtangging ipaliwanag ang ginawang paggastos sa P125-milyong confidential fund sa loob ng 11 araw hanggang sa pagbibigay-palusot sa iligal na paglilipat ng pondo ng Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President (OVP).
“VP Sara Duterte is now trying to play the victim, but she is the one who put herself in this mess,” saad ni Adiong. “She threw a tantrum, blurted out highly dangerous statements, and now that she realizes the legal consequences, she is pretending none of it happened. But the public is not stupid.”
Hinikayat ni Khonghun ang National Bureau of Investigation (NBI) na pabilisin ang kanilang imbestigasyon sa kaso, at binigyang-diin na ang mga banta laban sa Pangulo ay isang seryosong usapin at mahalagang isyu ng pambansang seguridad.
“We are talking about the Vice President of the Philippines saying she ordered a hit on the President, the First Lady and the Speaker. If this were anyone else, they would already be in handcuffs,” ayon kay Khonghun.
“The Filipino people deserve answers. VP Sara Duterte must not be allowed to get away with lying to the public and evading responsibility. Her statements are not just reckless, they are dangerous and she must be held accountable,” giit pa ni Khonghun.