Calendar
![Guho](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/Guho.jpg)
LANDSLIDE SA LEYTE, 5 SUGATAN, 60 PAMILYA APEKTADO
LIMANG tao ang bahagyang nasugatan habang 60 pamilya ang apektado matapos na gumuho ang isang parte ng bundok sa Barangay Bocawon, La Paz Leyte kaninang umaga dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan dulot ng shear line.
Batay sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office , dakong 10:00 ng umaga nang gumuho ang bahagi ng bundok sa lugar na siyang dahilan para umapaw ang Giumeranat river at bahain ang ilang bahay.
Ang mga nasugatan ay mula sa pamilya ni Domingo Ero Jr. na gumuho ang bahay dahil sa landslide.
Ayon kay Mang Domingo, nasa loob ng kanilang bahay ang kanyang asawa, dalawang manugang at kapapanganak na apo nang maganap ang insidente.
Bagamat nakulong sa bahay ang kanyang mga kaanak ay nagawa umano niyang iligtas ang mga ito kahit pa nagtamo sila ng bahagyang sugat sa katawan.
Ayon kay Barangay Chairman Jerry Pamat, 60 pamilya ang naapektuhan ng insidcente dahil ang nag-iisang daanan papasok at palabas ng barangay ay binaha.
Sinuspidi din ang klase sa lahat ng antas sa lugar dahil sa baha habang ipinatupad narin ng Barangay ang preventive evacuation para maiwasan ang mas malala pang sakuna.
Apektado rin ng insidente ang Calabato Hotspring na isang tourist destination sa munisipalidad
Binaha rin ang ilang lugar sa eastern Visayas partikular na sa Jipapad, Dolores at Arteche sa Eastern Samar at Tacloban City.