Assembly

LMP inilunsad 2025 General Assembly sa Manila Hotel

17 Views

PORMAL na inilunsad ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) ang 2025 General Assembly nito sa The Manila Hotel mula Pebrero 10 hanggang 13.

Mahigit 1,400 punong bayan mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang inaasahang dadalo upang talakayin ang mga usapin sa pamamahala, pagpapanatili ng kaunlaran, at katatagan ng ekonomiya.

May temang “Pamana ng Pamumuno, Matatag na Kinabukasan: Pagkakaisa ng mga Pinuno para sa Pambansang Kaunlaran,” layunin ng pagpupulong na iayon ang mga estratehiya ng mga lokal na pamahalaan sa pambansang adhikain para sa pag-unlad.

Sa Pebrero 12, makikipagpulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga alkalde sa pamamagitan ng President’s Hour, kung saan tatalakayin niya ang suporta ng Malacañang sa pagpapalakas ng lokal na pamamahala.

“Layunin ng pagtitipon na bigyan ng kapangyarihan ang ating mga punong bayan sa pamamagitan ng makabago at epektibong solusyon, estratehikong pakikipagtulungan, at pinakamahusay na gawi sa pamamahala,” ayon kay LMP National President at La Paz, Abra Mayor Joseph Bernos.

Tampok sa pagpupulong ang Graduation Ceremony para sa mga alkalde na nakapagsilbi ng tatlong termino bilang pagkilala sa kanilang liderato at dedikasyon. Mayroon ding panel discussions sa mga mahahalagang isyu tulad ng climate resilience, urbanisasyon, pampublikong-pribadong ugnayan, at pakikilahok ng mamamayan. Magkakaroon din ng workshops na tututok sa makabagong pamamahala, sustainable development initiatives, at mga oportunidad sa pondo para sa mga bayan.

Sa harap ng mga hamon tulad ng climate change, lumalawak na urbanisasyon, at pabago-bagong ekonomiya, ang assembly ay magsisilbing plataporma upang mapagtibay ang kooperasyon sa pagitan ng mga alkalde, pambansang liderato, at mga katuwang mula sa pribadong sektor upang makabuo ng matatag at progresibong mga pamayanan.

Ang LMP General Assembly 2025 ay patuloy sa adhikain nitong bigyan ng tamang kaalaman at polisiya ang mga lokal na lider upang maisulong ang pangkalahatang pag-unlad na nakasentro sa kapakanan ng mga komunidad, ani Bernos.