Calendar
![Vic Reyes](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2024/08/Vic-Reyes.jpg)
BOC dapat di maging kampante kahit mataas ratings
ISANG magandang araw sa lahat ng ating mambabasa, pati na sa mga kababayan natin sa Japan, Oman. Saudi Arabia at iba pang parte ng mundo.
Binabati naman natin si Hiroshi Katsumata na walang sawang tumutulong sa mga kababayan natin sa Japan.
Pagbati rin kina: Ma. Theresa Yasuki, Patricia Coronel, Marilyn Yokokoji ng Ihawan, Glenn Raganas, Ate Venus ng Ihawan, Edwin Ramirez. Winger dela Cruz, at kay Joann de Guzman at mga kasama diyan naman sa Oman.
Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.
Mabuhay kayong lahat!
(Para sa inyong opinyon at pagbati, mag-text lang sa: +63 9178624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.
***
Kahit na maganda ang performance ng Bureau of Customs (BOC) noong nakaraang taon ay hindi dapat maging kampante ang mga opisyal at tauhan nito.
Lalo na sa pangongolekta ng buwis at taripa sa mga imported goods.
Dapat paigtingin nila ang kampanya laban sa ismagling dahil tuso ang mga sangkot sa ismagling.
Hindi basta titigil ang mga iligalista sa aduana dahil ang malaki ng kinikita nila sa panloloko nila sa gobyerno.
Ang dami nilang “modus operandi” para lang maipasok sa bansa ang kanilang mga kontrabando.
Ito ay kinabibilangan ng mga ipinagbabawal na gamot, kagaya ng shabu, at produktong agrikultura.
Pero sa dami ng mga islang puwede nilang gamitin sa smuggling operations ay talagang mahirap labanan ang ismagling.
Sa mga ports of entry naman ay nandiyan pa rin ang mga tiwaling lingkod-bayan na nasisilaw sa kinang ng pera.
Kaya nga, kailangan ding bantayang mabuti ang mga men and women in customs uniform.
Sa totoo lang, kabilin-bilinan ni Customs Commissioner Bienvenido T. Rubio sa kanyang mga personnel na huwag na huwag makipagkutsaba sa mga tiwaling kasamahan.
Nakasalalay kasi sa BOC at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang tagumpay ng mga programa ng gobyerno.
Kailangang maabot o mahigitan ng dalawang ahensya ang revenue collection target ng administration.
Kung hindi ay baka mapilitang umutang ang gobyerno para pondohan ang mga proyekto.
Pero kagaya noong nakaraang taon, inaasahan ng BOC na maaabot nito ang 2025 collection target na P1.06 trilyon.
***
Kamakailan ay pinarangalan si Customs Commissioner Binvenido Y. Rubio na isa sa “Top 50 Influential People in the Philippines.”
Si Rubio ay pinarangalan dahil sa kanyang “exemplary contributions in public service and leadership.”
Ang okasyon, na ginanap sa Bonifacio Global City (BGC), ay hosted ng Rising Tigers, InCharge, at TopNewsAsia.
“For 24 years, I have dedicated my life to public service and witnessed how even the smallest decisions can create ripples of change,” sabi ni Commissioner Rubio.
Mula sa pagiging special agent hanggang komisyuner lagi niyang sinasabi na “leadership is about uplifting others and driving meaningful transformation.”
***
Noong Martes, Pebrero 11, ay nagsimula na ang kampanya para sa May 12 national and local elections.
Mabuti naman at hindi na nagkakaroon ng migraine ang mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC).
Dati kasi ay paboritong hingian ng campaign fund ng mga kandidato ang mga nagtatrabaho sa aduana.
Noon ay napipilitan ang mga opisyal sa aduana na magbigay ng campaign fund sa mga kandidato.
Ang tingin kadi noon ng mga politiko ay madaling magkapera sa aduana.
Ang hindi alam ng mga politiko noon ay kung saan-saan na lang kumukuha ng pera ang mga kawawang opisyal para may maibigay sa mga politiko.
Pero sa ngayon, wala ng maibibigay ang mga opisyal sa mga politiko, na karamihan ay mga lokal na lider.
Going straight na ngayon ang mga kaibigan natin sa aduana.