Calendar
Pinagbili ni Isko Moreno ang Divisoria Public Market!
(UNANG BAHAGI)
MAY bagong anomaliya na inirereklamo kay Francisco “Isko Moreno” Domagoso, ang ambisyoso at mayabang na kumakandidato sa pagka-pangulo ng Pilipinas ngayong halalan, at kasalukuyang punong lungsod o mayor ng Maynila.
Ayon sa mga ulat sa mga ilang pahayagan, ipinagbili kamakailan lang ng sangguniang panglungsod o city council ng Maynila ang Divisoria Public Market sa pribadong negosyante. Aprubado ni Domagoso bilang mayor ang pagbenta ng nasabing pamilihang bayan.
Ang Divisoria Public Market ay matagal nang pag-aari ng lungsod ng Maynila. Pinakinabangan ito ng maraming tao sa loob ng halos isang daang taon nang nakalipas.
Pansamantalang inilihim ni Domagoso ang kanyang pagbenta ng Divisoria Public Market sa mga botante, ngayong tumatakbo siya sa pagka-pangulo. Mahirap nga naman ipaliwanag sa taong bayan kung bakit ipinagbili ng palihim ang nasabing palengke.
Itong nakaraang linggo, natuklasan ng ilang mga manunulat sa mga pahayagan ang pagbenta ng Divisoria Public Market. Tinanong nila si Domagoso kung bakit niya ipinagbili ang palengke. Tugon ni Domagoso — kailangan ng pamahalaang panglungsod ng Maynila ang salapi dahil sa gastusin sa pandemya ng COVID-19. Iniwasan ni Domagoso magbigay ng detalye.
Mababaw ang palusot na ibinigay ni Domagoso.
Maaalala ng marami na nung taong 2021, ipinagmalaki ni Domagoso sa madla na maraming supply ng bakuna laban sa COVID-19 ang lungsod ng Maynila.
Sinabi rin ng mayabang na Domagoso na maaring magpabakuna ng libre o walang bayad sa mga ospital pampubliko sa Maynila ang kahit na sino, kahit hindi taga-Maynila. Maraming pera daw ang pamahalaan ng Maynila.
Dahil sa kanyang palatuntunang libreng pabakuna sa Maynila, ipinagyabang din ni Domagoso na higit na maayos ang kanyang pagpapatakbo sa Maynila, kaysa sa pangangasiwa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pambansang pamahalaan.
Nanalo lang bilang mayor, lumaki na ang ulo ni Domagoso!
Kung sapat pala ang salapi ng lungsod ng Maynila sa ilalim ni Mayor Domagoso, bakit pa niya kinailangang ipagbili pa ang Divisoria Public Market?
Mukhang mayroong ilan sa Manila City Hall na kumita ng malaking komisyon sa pagbenta ng nasabing palengke.
Maaalala rin ng marami na nuong bago pa lang mayor ng Maynila si Domagoso, pinaalis at pinagtabuyan niya ang mga sidewalk vendors sa Divisoria, pati na rin ang mga nagbebenta sa mga kalsada mismo. Anya ni Domagoso, sa loob ng Divisoria Public Market sila dapat mangalakal.
Sinabi rin ni Domagoso na tinanggihan niya ang alok na “lagay” na ilang milyong piso araw-araw, kapag payagan niyang bumalik sa Divisoria ang mga pinaalis at pinagtabuyan niyang mga manininda. Ayon kay Domagoso, tinanggihan niya ang sindikatong nag-alok ng lagay.
Kung totoo itong kwento ni Domagoso tungkol sa inalok sa kanya na “lagay,” bakit hindi kinasuhan ni Domagoso ang sindikatong nag-alok nito? Nagmamalinis si Domagoso, ngunit pinayagan niyang hindi masampahan ng kasong kriminal ang mga sindikatong nag-alok kuno ng “lagay.” Hmmm.
Pwes, lumabas na ang maaring tunay na dahilan sa pagpapalayas ni Domagoso sa mga tindero at tindera sa mga sidewalk at kalsada sa Divisoria. Kapag walang mga nagtitinda sa mga kalsada sa Divisoria, mapipilitan ang mga taong bumili lang sa Divisoria Public Market.
ITUTULOY