Gonzales Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.

Nagsalita na ang taumbayan: Itigil na ang paninira sa ayuda – House leaders

Mar Rodriguez Feb 12, 2025
19 Views

NANAWAGAN ang tatlong lider ng Kamara de Representantes sa mga kritiko ng “ayuda” program ng gobyerno na tanggapin ang pagpabor ng taumbayan dito.

Ang apela ay kaugnay na rin ng resulta ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia surveys kung saan mayorya ng mga Pilipino, o 80 hanggang 90 porsiyento, ang nagsabi na malaki ang naitutulong ng mga programang ito.

“Pakinggan natin ang ating mga kababayan. Suportado nila ang mga social welfare program at nakakatulong ang mga ito sa kanila. Tama na at itigil na ang paninira,” ayon sa pahayag ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.

Sinabi ni Gonzales na wala pang ibang programa ng gobyerno sa mga nakalipas na taon ang nakakuha ng ganitong pagtanggap at suporta mula sa publiko.

Ikinatutuwa naman ni Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez ang resulta ng magkahiwalay na pag-aaral ng SWS at Pulse Asia surveys.

“We are glad that we in the House, under the leadership of Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, introduced AKAP (Ayuda sa Kapos Ang Kita Program) in the annual national budget last year. It is one of the ayuda mechanisms widely supported by our people, based on the surveys,” wika nito.

“We knew from the very start that it was helpful, and that is why we decided to continue to fund it in the 2025 budget, though some senators tried to scrap it,” ayon pa sa kongresista.

Para naman kay Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, ang mga programang pangkawanggawa ay isang paraan upang maipamahagi ang benepisyo ng pag-unlad ng ekonomiya sa mga nasa laylayan ng lipunan.

“These programs are funded by taxpayers’ money, which Congress is putting to good use by helping the poor and those whose income is not enough for their daily needs,” saad ni Dalipe.

Sinabi ni Dalipe na ang pagbibigay ng pinansyal na tulong at iba pang anyo ng ayuda ay nakakatulong din sa pagpapagaan ng kahirapan sa hanay ng mga mahihirap.

Sa survey ng SWS, 90 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing nakatulong sa kanila ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Samantala, tinatayang 88 porsiyento naman ang nagsabing kapaki-pakinabang din sa kanila ang programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).

Ang 4Ps at AKAP ay ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), habang ang TUPAD ay pinangangasiwaan ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa parehong survey ng SWS, 81 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing nakatulong sa kanila ang AKAP at Walang Gutom Program.

Ipinakita naman sa survey ng Pulse Asia na 82 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing ang 4Ps ay nagpabuti sa katatagan sa pananalapi ng mga mahihirap.

Parehong porsiyento rin ng mga tinanong ang nagpahayag na ang TUPAD ay “naging kapaki-pakinabang sa pangkalahatang kapakanan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng kabuhayan at pagtiyak ng trabaho.”

Tinatayang 81 porsiyento naman ang nagsabing nakatulong sa kanila ang AKAP sa pamamagitan ng pagpapagaan ng kanilang kalagayan.

Isinagawa ang survey ng SWS mula Enero 17 hanggang 20, habang ang survey ng Pulse Asia ay isinagawa mula Enero 18 hanggang 25.