Senado

Pera ng taumbayan di masasayang sa bagong gusali ng Senado

16 Views

SINIGURADO ni Senate President Francis Chiz Escudero na matatapos ang konstruksyon at badyet ng bagong gusali ng Senado at hindi masasayang ang pera ng taumbayan.

Kinumpirma din ni SP Escudero na patuloy ang pagsisikap na titiyakin ng Senador ang pagiging cost-efficient nito habang inaayos ang mga isyung may kinalaman sa imprastruktura.

Sa isang press briefing, binigyang-diin ni Escudero na ang mga talakayan ay nakasentro sa pagtatapos ng gastusin at pagpapanatili ng transparency sa proyekto. Tiniyak niya na ang lahat ng detalye tungkol sa pondo ay accounted for.

“Kung anumang pagbabago, klaro na yung procedure namin bago ang pahintulutan para wala ng further cause of delay,” ani Escudero, na binibigyang-diin ang pangangailangan ng malinaw na mga patakaran upang maiwasan ang hindi kinakailangang pagkaantala.

Ipinaliwanag din niya na ang kabuuang badyet ay sumasaklaw sa parehong nakaraang gastusin at mga kasalukuyang alokasyon, kaya walang itinatagong halaga.

“Total na yan. Wala kaming tinago at tinanggal doon,” pagtitiyak ni Escudero.

May mga nagtanong kung talaga bang tumutugma ang P31 milyong tinatayang halaga ng gusali sa tunay nitong halaga. Nang usisain tungkol sa disenyo at pagiging praktikal ng estruktura, ipinaliwanag ni Escudero na maaaring hindi ang pinaka-matipid na disenyo ang pagpili sa apat na magkakahiwalay na tore.

“Dahil apat yung tower, may apat na side yung apat na tower para ka gumawa ng apat na building na hiwa-hiwalay. Hindi man practical yan, di na natin pwedeng pag-debatehan at pag-awayan yan dahil nakatayo na yung building,” aniya.

Bagamat aminado siyang may pangamba sa gastos, binigyang-diin niya na malayo na ang narating ng proyekto at dapat nang ituon ang pansin sa pinakamainam na paggamit ng mga natitirang mapagkukunan.

Bukod pa rito, ibinunyag ni Escudero na ang bagong Senate complex ay magkakaroon ng itinalagang detention facility at mas malaking espasyo para sa paradahan upang ma-accommodate ang Senate personnel at mga bisita.

“Hindi naman, ang kwarto lang. It’s a detention room,” aniya nang tanungin tungkol sa detention area, na pinagtitibay na ito ay inilaan para sa opisyal na gamit.

Isa pa rin sa mga pangunahing isyu ang kakulangan sa paradahan, na may tinatayang 1,200 slots na inilalaan para sa Senado. Gayunpaman, inamin ni Escudero na maaaring hindi ito sapat para sa mga empleyado at bisita ng Senado.

“Pang staff kulang pa yan so kailangan pa ng dagdag sa bisita. But there’s still an available space for that,” aniya, at idinagdag na patuloy nilang hinahanap ang mga posibleng solusyon.

Dagdag pa rito, ang bagong pasilidad ay magkakaroon ng sariling plenary at committee rooms upang mapabuti ang daloy ng trabaho sa Senado.

“Meron buong 7th floor will be theirs, magkakaroon sila ng sarili nilang plenary hall, sariling committee rooms para hindi sila nakikipag-agawan sa amin,” sabi ni Escudero.

Sa kabila ng mga isyu sa gastos at imprastruktura, tiniyak ni Escudero na gagawin ang kinakailangang mga pagsasaayos upang matugunan ang pangangailangan ng Senado nang hindi lumalampas sa itinakdang badyet.