Acidre House Assistant Majority Leader Jude Acidre

DU30 binatikos sa banta sa mga senador

31 Views

BINATIKOS ng isang lider ng Kamara ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na dapat patayin ang ilang senador para magbukas ng puwesto sa kanyang partido, kasabay ng PDP-Laban proclamation rally noong Huwebes.

“Ngayon marami kasi sila. Ano dapat ang gawin natin? Patayin natin ‘yung mga senador ngayon para mabakante. Kung makapatay tayo, tanan, mga 15 na senador, pasok na tayo lahat,” ani Duterte sa naturang event.

Ayon kay House Assistant Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list, tila ipinapakita ng dating pangulo ang parehong asal ng anak niyang si Bise Presidente Sara Duterte, na nasa gitna ng impeachment trial dahil sa umano’y pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Marcos at Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

“Talagang mag-ama nga sila. Si anak, nagbanta na ipapapatay ang Presidente at Speaker. Si ama naman, gusto ipapatay ang mga senador. Parang gusto nila bumingo sa lagay na ‘yan,” buwelta ni Acidre.

Idiniin niyang hindi dapat balewalain ang pagbabanta sa buhay ng mga opisyal, lalo na mula sa mga matataas na lider ng bansa.

“Hindi biro ang pagbabantang pumatay ng opisyal ng gobyerno—kahit pa sabihin nilang joke lang. Nakakatakot ‘yan kasi nagpapalaganap ng kultura ng karahasan, pinahihina ang demokrasya at sinisira ang batas,” dagdag pa niya.

Ipinaalala rin ni Acidre na ang ganitong pahayag ay maaaring ituring na krimen sa ilalim ng batas.

“Bukod diyan, hindi lang ito basta padalos-dalos na salita—krimen ito sa ilalim ng batas. Ang pagbabanta sa mga opisyal ng gobyerno ay maituturing na inciting to sedition o grave threats, at may kaakibat na parusa,” aniya.

Naniniwala rin si Acidre na ang pahayag ng dating pangulo ay lalong nagpapalakas sa isa sa mga grounds ng impeachment ni VP Duterte, kung saan siya ay inakusahan ng “betrayal of public trust” dahil sa mga mapanganib na pahayag.

Ayon sa reklamo, noong Nobyembre 23, 2024, sa isang live broadcast, tahasang sinabi ni VP Duterte na mayroon siyang “naayusan” na assassin sakaling may mangyari sa kanya. Nagdulot ito ng matinding alarma sa gobyerno at mga security agencies.

“’Yung kampo ng mga Duterte, parang sila na mismo nagbabaon sa sarili nila,” ani Acidre, sabay banggit na inirekomenda na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa ng kasong inciting to sedition at grave threats laban kay VP Duterte.

Kamakailan, kinumpirma ni NBI Director Jaime Santiago na naisumite na ang reklamo sa Department of Justice (DOJ), na siyang magpapasya kung itutuloy ito sa korte.

Sa isyu ng immunity ni VP Duterte, nilinaw naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na, “The law applies to everyone, regardless of position. The Vice President is not immune from criminal prosecution.”