Defensor Iloilo Rep. Lorenz Defensor

Hirit ng House impeachment prosecutor sa mga senador: ‘Dapat magtrabaho na tayo mga idol’

19 Views

NANAWAGAN ang isang miyembro ng House prosecution team sa Senado na simulan na ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kasabay ng kanyang paggiit na ang pag-delay dito ay mistulang pagtanggi na magkaroon ng hustisya.

Sinabi ni Iloilo Rep. Lorenz Defensor na dahil naipadala na sa Senado ang impeachment complaint, wala nang dahilan para hindi ito aksyunan.

“Masimulan natin ng mas maaga ang impeachment trial, mas mabuti. Kasi binabato na ang bahay nila (Senate). Dapat magtrabaho na tayo mga idol,” ani Defensor sa isang panayam ng media.

Sinabi rin niya na dumaan sandali si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa isang kamakailang pagpupulong ng prosecution team upang tingnan ang kanilang paghahanda.

“Dumaan siya, saglit lang. Tinignan niya lang kung kamusta ang attendance ng mga prosecutors,” ani Defensor.

Gayunpaman, nilinaw niya na hindi makikialam si Speaker Romualdez sa paghahanda para sa paglilitis.

“He just wants to be updated about what’s going on. Pero he will not involve himself in the preparation of the impeachment trial by the prosecutors,” aniya.

Binigyang-diin ni Defensor na abala ang House prosecution team sa paghahanda para sa impeachment trial, kabilang ang pagbuo ng legal na estratehiya at pangangalap ng ebidensya upang matibay ang kaso laban kay Duterte.

“Maghanda lang ng mabuti. At ang complainant kasi dito 215, more signed up. Kaya ang preparation is maghanda ng mabuti because baka sakaling magbago ang isip ng Senado,” paliwanag niya.

Nang tanungin kung may natanggap na opisyal na komunikasyon mula sa Senado tungkol sa paglilitis, sinabi ni Defensor na wala pa.

“Wala pa kaming official communication with the Senate as of now. Ang mga press conference ng ating Senate President and as far as I’m concerned, malaki ang clamor ng mga Pilipino na masimulan ang impeachment trial,” aniya.

Binigyang-diin niya na dapat maging isang isyu sa halalan ang impeachment trial, at hinikayat ang publiko na panagutin ang mga senador sa kanilang mga kilos.

“Dapat maging election issue ito sa mga Senador. Ito ang ikakapanalo nila kung papanigan nila ang katotohanan at papanigan nilang matuloy na mabuksan itong impeachment trial at mabigyan ng closure ang mga Pilipino,” aniya.

Nagkomento rin si Defensor sa mga ulat na may mga progresibong grupo na nagpaplanong magsagawa ng mga rally upang himukin ang Senado na mag-convene bilang impeachment court. Sinabi niyang maaaring itulak ng public pressure ang Senado na umaksyon agad.

“‘Yan po kung mag-convene ng mas maaga dahil sa dami ng clamor. Gusto ng tao na makita at marinig ang katotohanan laban sa fake news na lumalabas na binabaliktad ang totoong kwento nitong impeachment complaint,” aniya.

Binatikos din niya ang kamakailang pagbiyahe ni Duterte sa Japan, na aniya ay nagpapakita ng kawalan nito ng pakialam sa impeachment proceedings.

“Simpleng bakasyon para ipagbalewala lang ang isang bagay that involves national interest. Ibig sabihin, wala pala sa kanya at kaya niyang magbakasyon,” aniya.

Hinamon ni Defensor si Duterte na harapin ang paglilitis sa halip na maging walang pakialam.

“Kung kaya niyang magbakasyon at magpakita, ibig sabihin wala siyang naipapakita ng takot sa impeachment court na ito at umuwi na siya at magtrabaho na tayo,” aniya.

Pinaalalahanan niya ang publiko na ang mga pagkaantala sa impeachment trial ay walang pinapaboran.

“Justice delayed is justice denied. Kung guilty siya, denied sa taong-bayan ang hustisya, kasi nakaupo pa siya. Kung not guilty siya, justice denied din para sa kanya,” aniya.

Inilahad ni Defensor ang dapat gawing hakbang ng Senado: mag-convene, aprubahan ang impeachment rules, maglabas ng summons at atasan si Duterte na magsumite ng kanyang sagot.

“Siguro simulan natin no, since may complaint na, dapat mag-convene ang Senado, so they can approve their rules of impeachment. Tapos pag nag-convene sila dapat may summons at may order requiring the respondent o ang VP na mag-file ng kanyang answer,” aniya.

Binigyang-diin niya na dapat maging bukas at transparent ang impeachment trial, kung saan lahat ng ebidensya at testimonya ay ihaharap sa korte.

“Dapat marinig nila mismo sa testigo, sa abogado, sa mga complainant at sa Vice President mismo kung anong masasabi niya direkta during the impeachment trial,” aniya.

“Kung kampante siya at kumpiyansa siya sa sarili niya, umuwi na siya at magtrabaho na tayo,” aniya.