Pilipinas

Pacquiao sisikaping mai-ahon mula sa kahirapan mahihirap na Pilipino

Mar Rodriguez Feb 15, 2025
27 Views

PacquiaoILOILO CITY – NABUHAYAN ng pag-asa ang libo-libong mamamayan ng lalawigang ito matapos tiyakin ng tinaguriang “Pambansang Kamao” at Senatorial candidate na si Manny “Pacman” Pacquiao na sisikapin nitong isulong ang mga programa at proyektong magpapa-angat sa nakalulunos na kalagayan ng mga mahihirap na Pilipino.

Ito ang mensahe ni Pacquiao makaraang dayuhin ng labing-dalawang Senatorial bet ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas (APBP) ang Iloilo City para suyuin ang libo-libong Ilonggo sa pamamagitan ng kanilang suporta at boto sa darating na mid-term elections sa Mayo.

Sinimulan ng dating Senador ang kaniyang maikling mensahe sa pamamagitan ng pagpapa-abot nito ng kaniyang marubdob na pagbati at taos-psuong pasasalamat para sa napakaraming Ilonggo na nagtungo sa kanilang political campaign rally.

Sinabi ni Pacquiao na ang isa sa kaniyang mga “vision” sakaling papalarin itong makabalik sa Senado ay ang paglalatag nito ng mga programa, proyekto at commitment para tulungan ang napakaraming mamamayang Pilipino na nasa nakaka-awang kalagayan.

Binigyang diin ng dating eight-division world boxing na nararamdaman nito ang nararanasang paghihirap ng mga maralitang Pilipino makaraang ibahagi nito na bago siya naging “Manny Pacquiao” ay dumanas din siya at kaniyang pamilya ng matinding kahirapan.

Inilahad nito na sa panahon ng kanilang matinding kahirapan, mayroong pagkakataon aniya na sa lansangan na lamang siya at natutulog. Kung saan, karton ang nagsisilbing sapin nito, habang naranasan din nitong magtiis ng gutom ng ilang araw.

“Bago po ako naging Manny Pacquiao, dumaan po ako at ang aking pamilya sa pinaka-mahirap na sitwasyon. Naaalala ko dati na sa lansangan ako natutulog kapag inaabot ako ng gabi at karton ang ginagawa kong sapin,” paglalahad ni Pacquiao.

Dahil dito, ipinahayag ni Pacquiao na kung siya’y papalarin at makakabalik sa Senado. Ang isa sa proyektong isusulong nito ay ang pagkakaroon ng murang pabahay (affordable housing), sustainable livelihoods at libreng edukasyon para sa mga mahihirap na Pilipino.

“God willing, kung ako ay makakabalik sa Senado. Sisiguraduhin ko na magkakaroon ng pondo para sa sustainable livelihood programs upang mapalakas natin ang SMEs at makapagbigay ng trabaho sa milyon-milyong Pilipino,” wika pa ni Pacquiao.