Pacquiao1

12 senatorial bet ng Alyansa di nagpatinag sa balwarte ni Digong sa Davao Del Norte

Mar Rodriguez Feb 16, 2025
44 Views

Carmen, Davao Del Norte – BAGAMA’T ang Mindanao ay kilalang balwarte ni dating Pangulong Rodrigo Duterte hindi nagpatinag ang 12 pambatong senatorial candidate ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas (APBP) matapos nilang dayuhin ang nasabing lalawigan.

Ang Davao Del Norte ay Distrito ng numero-unong kaalyado o isa sa mga “die-hard” supporter ni Duterte na si dating House Speaker at Congressman Pantaleon “Bebot” D. Alvarez na kilalang loyalista at tagapagtanggol ng dating Pangulo.

Gayunman, hindi pa rin nasindak at natigatig ang 12 pambato ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. matapos na isagawa dito ang kick-off rally para sa tinaguriang “powerhouse Senatorial slate” ng administrasyon.

Kumpiyansa naman ang 12 senatorial candidate sa pangunguna ng tinaguriang “Pambansang Kamao” at dating senador na si Manny “Pacman” Pacquiao na makukuha pa rin nila ang suporta ng mga taga-Mindanao kahit na ito ay balwarte ni Duterte.

Naniniwala ang dating world-boxing champ na malaki ang tsansa na makakakuha sila ng solidong suporta mula sa mga mamamamyan ng Mindanao lalo na sa Davao Del Norte kahit na ito pa ay kilalang balwarte ni Duterte at mga loyalista nito.

Binigyang diin ni Pacquiao na ang pagbabatayan at titignan ng mga taga-Mindanao pagdating ng botohan sa Mayo ay ang kanilang “track record” bilang mga opisyal ng gobyerno sa pamamagitan ng kanilang mga naging achievements bilang mambabatas at public officials.

Sinabi ni Pacquiao na ang napakahalagang makita at magsilbing pamantayan ng mga taga-Mindanao pagdating ng botohan ay ang mga inilalatag nilang programa at proyekto na magbibigay ng isang long-term solution sa mga problema ng Pilipinas.

Ipinaliwanag ng dating eight-division world boxing Champion na naniniwala siyang matatalino ang mga taga-Mindanao kaya naniniwala siyang ang kanilang pipiliing kandidato ay hindi iyong “nagsasayaw” umano sa harap nila kundi ang isang kandidatong may magandang plano at programa para sa pag-unlad ng bansa.

Muling iginiit ni Pacquiao mas pipiliin ng mga taga-Mindanao at iba pang mga residente ng mga lalawigan na napuntahan na ng APBP gaya ng Ilocos Norte at Iloilo City ang mga kandidato ng administrasyon dahil sa kanilang hindi matatawarang “track record” sa public service.

Kinatigan din ng dating Senador ang pahayag ni President Marcos, Jr. na mas susuportahan ng mamamayang Pilipino ang mga kandidato ng APBP partikular na ang mga taga-Mindanao dahil sa pagiging subok nila ay may kakayahan kumpara sa “political loyalty”.