Pacquiao

Mga kandidatong mahilig mang-away di tunay na nagmamahal sa bayan — Pacquiao

Mar Rodriguez Feb 18, 2025
43 Views

BINIGYANG DIIN ng isa sa mga pambatong Senatorial candidate ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas (APBP) na si “Pambansang Kamao” Manny “Pacman” Pacquiao na ang mga kandidatong mahihilig manlibak, mang-away at manuligsa ng kanilang mga katunggali ay hindi maituturing na totoong maglilingkod para sa bayan.

Ito ang malaman at makabuluhang pahayag ng dating Senador patungkol sa ilang kandidato na nagpupukol at kaliwa’t-kanang akusasyon laban sa labing-dalawang senatorial bet ng administrasyon kasunod ang pagsisimula ng campaign period para sa national position.

Sa unang sultada pa lamang ng kampanya para sa senatorial position, nagpakawala na agad ng mga akusasyon, panlilibak at paninirang puri ang Partido Demokratiko ng Pilipinas (PDP) ni dating Pangulong Duterte laban sa mga kandidato ng APBP.

Sinabi ni Pacquiao na dapat maging maingat ang mga Pilipino sa pagpili nila ng kandidato o mga opisyal na iluluklok nila sa katungkulan sapagkat ang kailangan nilang iboto ay iyong kandidato na hindi naninira ng kaniyang katunggali.

Ayon kay Pacquiao, ang mga kandidato na mahilig mang-away at mahilig mang-atake ay hind umano tumatakbo para sa bansang Pilipinas. Bagkos para lamang sa kaniyang sarili o pansariling interes dahil tanging kapakanan lamang nito ang kaniyang pinapahalagahan.

“Gusto ko lang sabihin sa lahat na iyong mga kandidato na mahilig mang-away at mahilig mang-atake. Hindi sila tumatakbo para sa ating bansang Pilipinas, kundi tumatakbo o kumakandidato siya para sa kaniyang sarili. Kasi pinepersonal mo,” wika ni Pacquiao.

Ipinaliwanag din ng dating eight-division world boxing champion na sila ay kumakandidato para maiharap sa taongbayan ang kanilang adbokasiya, programa at mga proyekto para sa ikakaunlad ng bansa at hindi aniya sila tumatakbo para sa kanilang pansariling interes.

“Kami ay tumatakbo hindi para sa aming mga sarili. Kami ay tumatakbo dahil nais naming iprisinta sa mamamayang Pilipino ang aming mga adbokasiya at programa sa ikakaunlad ng ating bansa. Hangad namin na mapaunlad ang pamumuhay ng bawat Pilipino,” sabi pa ni Pacquiao.

Nilinaw din ng binansagang “the people’s champ” na hindi na aniya nila kailangan pang mang-away at mang-atake ng kapwa nila kandidato sapagkat ang hangad lamang nila ay ang mapaunlad ang kabuhayan ng mga mahihirap na mamamayan.