Marbil

PNP chief sa mga parak: Vote buying, vote selling isapuso

Alfred Dalizon Feb 18, 2025
24 Views

IPINAG-UTOS ni Philippine National Police chief General Rommel Francisco Marbil noong Martes sa lahat ng pulis na isapuso ang kampanya kontra ‘vote buying at vote selling.’

Ayon kay PNP Public Information Office chief, Colonel Randulf Tuaño, alinsunod ang utos sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang isang malinis, tapat at patas na halalan sa Mayo 12.

Ang utos alinsunod sa inilunsad na Committee on Kontra Bigay (CKB) ng Commission on Elections noong Pebrero 7 sa Intramuros, Maynila.

Target din na siyasatin ang sinumang may makikitang dalang P500,000 cash o higit pa sa kanilang mga sasakyan lalo na kung ang pera nasa loob ng mga sobre at may mga kanya-kanyang pangalan.

Binibigyan ng kapangyarihan ang PNP, ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng surveillance, mag-validate ng mga ulat at umaksyon laban sa mga lumalabag sa batas ng halalan.

Sa ilalim ng pinalakas na Kontra Bigay 2.0, mahigpit na babantayan ang mga kilos na maaaring maituring na vote-buying at vote-selling gaya ng pamamahagi ng pera, produkto, o campaign materials upang impluwensyahan ang boto ng mga mamamayan.

Ang sinumang mahuhuling gumagawa nito maaaring arestuhin agad kahit walang warrant.

Inatasan ni P/Gen. Marbil ang lahat ng yunit ng pulisya na paigtingin ang pagbabantay, magsagawa ng information drive at makipagtulungan sa Comelec upang matiyak na mapapanagot ang mga lalabag sa batas.

Alinsunod sa Artikulo 12 ng Omnibus Election Code, ang sinumang mapatunayang sangkot sa vote-buying at vote-selling maaaring makulong ng isa hanggang anim na taon.

Maaaring magsampa ng reklamo sa tanggapan ng COMELEC o sa mga Kontra Bigay Centers sa mga lungsod, lalawigan at bayan.