Edd Reyes

Agarang pagpapanagot sa mga nagpapakalat ng fake news, dapat ipatupad

Edd Reyes Feb 19, 2025
36 Views

INIHAYAG ng National Privacy Commission (NPC) na puwedeng mapanagot ang sinumang nagbibigay ng maling impormasyon at nagpapakalat ng fake news kaugnay sa isyu ng data breach sa website ng mga ahensiya at tanggapan ng pamahalaan.

Dapat naman talaga dahil hindi lamang ito nakakasira sa integridad ng isang ahensiya, tulad ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), na pinakahuling nabiktima ng fake news nang kumalat sa social media na na-hacked daw ang kanilang website at nalantad ang pagkakakilanlan sa mahigit 200,000 katao, kabilang ang mga nanalo sa lotto, kawani, at maging mga aplikante.

Buti na lang, maagap na pinawi ni PCSO General Manager Mel Robles ang pangamba ng publiko, lalu na siyempre ang mga lotto winners, nang sabihing “fake clickbait news” ang ipinapakalat sa social media grupo ng mga hackers.

Sino nga ba naman ang hindi mag-aalala kung ang ipapakalat ng grupo sa online ay na-download daw nila ang 11GB na sensitibong datus ng PCSO, pati na ang personal na impormasyon ng mga nagwagi sa lotto mula raw taong 2016 hanggang 2025?

Siyempre, hindi naman itataya ni GM Robles ang kanyang malinis na pagkatao para lang ikaila ito at sabihing hindi na-hack ang kanilang website o data base kung talaga namang fake news ito.

Sabi pa ni GM Robles, kahit marami ng pagtatangka na ma-hack ang kanilang data base na mula pa sa iba’t-ibang panig ng daigdig, hindi aniya naigupo ang kanilang digital defenses. Ang ipinapakalat ng grupo aniya ay listahan ng mga taong nag-avail ng kanilang promo noon pang Marso, 2022 at hindi mga nanalo sa lotto.

Nasa ligtas aniyang pangangalaga sa kanilang punong tanggapan ang database ng mga nanalo sa jackpot at hindi ito konektado sa alinman nilang sangay sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Lab For All caravan ni First Lady Liza Araneta-Marcos, dinala sa Navotas

NASIYAHAN ang mga residente ng Navotas City sa pagbisita sa kanilang lungsod ni First Lady Liza Araneta-Marcos Martes ng umaga upang ipaabot ang serbisyo ng proyekto niyang Lab For All caravan na layong magkaloob ng mabilis at komprehensibong pangangalaga sa kalusugan at iba pang serbisyo ng pamahalaan para sa lahat ng Filipino.

Umikot sa Navotas ang caravan ng Lab For All ng Unang Ginang at nagkaloob sa mga Navoteno ng libreng konsultasyong medikal, laboratory tests, diagnostic procedures at libreng gamot.

Pinasalamatan naman nina Mayor John Rey Tiangco at Cong. Toby Tiangco ang Unang Ginang sa ginawang pagbisita sa kanilang lungsod upang mapangalagaan ang kalusugan ng kanilang mamamayan na tulad anila ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ay dalawang ulit na bumisita sa kanila noong nagdaang taon nang makaranas sila ng pagbaha dahil sa nasirang navigational gate at pagkakaroon ng oil spill na nakaapekto sa kanilang mangingisda.

Bukod sa Lab For All caravan, kasama rin ng Unang Ginang sa kanyang pagbisita sa Navotas ang pag-aalok ng Commission on Higher Education (CHED) ng scholarship, libreng legal consultation ng Public Attorney’s Office (PAO), mabilis na serbisyo sa mga humihingi ng tulong at may nilalakad na dokumento sa Pag-Ibig, sa National Housing Authority (NHA), sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), pati na rin ng pagkakaloob ng iba’t-ibang gulay at punla ng Department of Agriculture (DA) habang nagbigay naman ng food packs ang Department of Social Welfare and Developmet (DSWD).

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].