Calendar

House prosecutor kumpiyansang hindi haharangin ng SC impeachment trial ni VP Sara
KUMPIYANSA ang isang miyembro ng 11-man House prosecution panel na hindi makikialam ang Korte Suprema sa isasagawang pagdinig ng Senado sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ginawa ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Lorenz Defensor ang pahayag matapos lumabas sa mga balita na naghain ng petisyon si Duterte sa Korte Suprema upang pigilan ang Senado na magsagawa ng impeachment trial.
“I have yet to read the petition. But as a rule, impeachment is a political question and the Supreme Court will exercise judicial restraint. It will not interfere with the impeachment process,” ani Defensor.
Noong Pebrero 5 ay in-impeach ng Kamara de Representantes si Duterte.
Ang impeachment complaint ay nilagdaan ng 215 kongresista, mahigit doble ng kinakailangang 103 upang agad itong maipadala sa Senado para sa pagsasagawa ng pagdinig.
Lumalawak ang panawagan sa Senado na simulan na ang impeachment trial bagama’t nauna ng sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na maaaring magsimula ang aktwal na impeachment trial pagkatapos ng State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo.
Bukod sa Bise Presidente, naghain din ng petisyon ang ilang abogado mula sa Mindanao na kilalang malapit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte upang harangin din ang pagsasagawa ng impeachment trial.
Mayroon ding naghain ng petisyon sa Korte Suprema na humihiling naman na atasan nito ang Senado na simulan na ang impeachment trial.