Calendar

Kabuuang bilang ng krimen na naitala sa PH bumaba ng 26.76% — Marbil
BUMABA ng 26.76 percent ang kabuuang bilang ng krimen na naitala sa buong bansa mula noong Enero 1 hanggang Pebrero 14 ng kasalukuyang taon kumpara sa record sa naturang period noong 2024, sinabi ni Philippine National Police chief, General Rommel Francisco D. Marbil nitong Miyerkules.
Ayon sa hepe ng Pambansang Pulisya, ang malaking pagbaba ng crime volume ay naganap sa kabila ng malaking epekto ng social media sa pagpapalawak ng kaalaman ng publiko para makaiwas sa krimen at kung saan agad na dapat mag-report ng nangyari na o nangyayari pa lang na krimen.
Sa official records na pinalabas ng PNP, bumaba ng 26.76 percent ang bilang ng Focus Crimes sa buong bansa o kabuuang 3,528 kaso mula noong nag-umpisa ang taon hanggang sa nakalipas na Araw ng mga Puso kumpara sa 4,817 kaso na naitala sa tulad na petsa noong 2024.
Ang Focus Crimes na tinututukan ng PNP ay ang mga sumusunod: theft, robbery, rape, murder, homicide, physical injury, at carnapping of motorcycles and motor vehicles.
Sinabi ni Gen. Marbil na mga kaso ng rape ang nagtala ng pinakamalaking pagbaba sa naturang comparative period o mula 1,261 noong isang taon at 623 na mga kaso na lang ngayon.
Year-on-year data, ayon sa PNP chief ay naglalarawan ng 7.31 percent decrease sa Focus Crimes o mula 41,717 na mga insidente ng krimen noong 2023 na bumaba sa 38,667 noong 2024 o kabuuang 7.31 percent na pagbaba.
“These figures reflect our firm commitment to ensuring safer communities. The data speaks for itself—crime is going down. Our strategic efforts, public cooperation, and the use of technology are making a real impact,” ayon sa opisyal.
Binigyang diin din ni Gen. Marbil na ang malaking pagbaba sa bilang ng krimen sa bansa ay alinsunod na din sa program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magkaroon ng isang mas ligtas at maunlad na Pilipinas.
Sinabi pa din niya na ang PNP ay lubos na sumusuporta sa mga adhikain ng Pangulo na mas lalo pang maging ligtas ang mga kalsada magdamag sa tulong ng mas pinaunlad na police visibility, proactive law enforcement at community engagement.
Dagdag pa niya, ang pagbaba ng krimen sa buong bansa ay dulot na din ng heightened police visibility sa mga high-crime areas, mas pinaigting na intelligence at investigative operations para malansag ang mga criminal networks at ang mas pinalawak na paggamit ng PNP ng digital digital platforms at surveillance technologies para labanan at sugpuin ang kriminalidad.
Binigyang halaga din niya ang malakas na suporta ng mamamayan sa Pambansang Pulisya para sugpuin ang krimen.
“Hindi lang tayo basta rumiresponde sa krimen, aktibo tayong kumikilos upang pigilan ito bago pa mangyari at may mga kababayan tayong mabiktima. Ang PNP ay gumagamit na ng mga makabagong teknolohiya para paghandaan ang anuman o sinumang nagbabalak umabuso at manamantala,” binigyang-diin ni Gen. Marbil.
Dinagdag pa din niya na ang mahalagang tungkulin ng social media sa pagpapalakas ng public awareness laban sa kriminalidad. Ayon sa kanya, ang social media ay isang vital tool na din sa kasalukuyan para makaiwas, masugpo o maresolba ang isang krimen.
“Maaaring mas tila marami ang mga krimen dahil kumakalat ito online, ngunit ang mga platapormang ito ay tumutulong din sa pagpapabilis ng mga imbestigasyon at paghahatid ng hustisya sa mga kriminal. Hinihikayat namin ang publiko na gamitin sa tama ang social media—bilang isang kasangkapan para sa kaligtasan, hindi kalituhan,” sinabi ni Gen. Marbil.
Hinikayat din niya ang mga netizens na patuloy na maging mapagmatyag, kagyat na mag-ulat ng mga suspicious activities sa kanilang lugar at suportahan ang mga programa ng PNP para mas lalo pang mapababa ang krimen at mapanatili ang peace and order 24-oras.